“HINDI KO KILALA ‘YANG SI ROBERT UY” – JOEL LONGARES NG DDCAP

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

HINAMON ni Door-to-Door Consolidators Association of the Phils. (DDCAP) President Joel Longares ang ­may-ari ng Agbay Enterprises at ­Association of Bidders of the Bureau of Customs (ABBC) na si Robert Uy na magharap sila sa ating programa upang ­magkaliwanagan. Ang ­hamon ay binitiwan ng DDCAP president sa ating programa nito lang nakaraang Lunes.

Ang hindi pagkakaintindihan ng dalawa ay nagmula pa rin sa isyu ng mga abandonadong ­balikbayan box na ­kasalukuyang ipinamamahagi ng dalawang partido. Hawak ng DDCAP ang distribution ng mga kahon mula sa Kabayan Island Express ­Cargo (KIEC) at ang Allwin Cargo naman ay kila Robert Uy.

Sa ating panayam kay Joel Longares, diretsahan nating tinanong ito kung meron bang alitan na namamagitan sa kanilang mga grupo, ayon dito, hindi raw niya kilala nang personal ang grupo nila Robert Uy at idiniin na magkaiba sila ng linya ng hanapbuhay ni Robert Uy.

Ang kanyang kumpanya raw, na umiikot sa pagkuha at delivery ng mga balikbayan box na ipinadadala ng ating mga kababayan mula sa abroad at ang kanyang negosyong Atlas Brokerage at Express Padala, ay magtatatlumpung taon na. Samantalang sina Robert Uy ay bidding ang inaatupag sa mga kumpiskadong mga item sa BOC, dito palang makikita na ang pagkakaiba ng kanilang mga negosyo.

Binigyan naman niya ng papuri si MICT port collector Romeo Rosales dahil ito raw ang nagpasimula ng delivery ng mga abandonadong mga kahon na naipon sa MICT compound na matatagpuan sa North Harbor.

Ayon kay Joel Longares, ­dahil sa pakiusap ni Collector RR (tawag dito) na tulungan silang mailabas at mai-deliver ang mga laman ng abandonadong mga containers na ito bago pa man naupo ang kasalukuyang BOC Commissioner Yogi Ruiz.

Sa pagtataya ng DDCAP president, nasa labing-isang containers na ang kanilang matagumpay na naihatid sa mga recipient nito na ang karamihan ay galing sa CMG na nakabase sa Dubai, UAE.

Muli nitong nilinaw na hindi sila naningil ng ano mang bayad sa mga recipient ng mga kahon maliban dun sa mga nagkusang-loob at bilang katunayan, sinabi nito na ang nakolektang pera lang ay nasa P106,000 mahigit sa pitong CMG containers na kanilang i-dineliver. Ganito rin daw ang kanilang polisiya sa idini-deliver na mga kahon sa Kabayan Island Express Cargo kung saan tatanggapin nila ang bayad ng mga may gusto nito.

Dati nang ipinaliwanag ng DDCAP president ang kanilang lugi kapag nagde-deliver sila ng balikbayan boxes mula sa BOC dahil hindi sila naniningil, pero ito raw ay kanilang ginagawa sa ngalan ng serbisyo publiko. Dahil ayon Joel Longares, dati rin siyang OFW bago naging negosyante at alam niya ang hirap ng mga ito kumita lang ng pera.

Pabirong sinabi nito, “Ewan ko lang dyan kay Robert Uy”.

48

Related posts

Leave a Comment