TARGET NI KA REX CAYANONG
HINIMOK ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang mga kapwa mambabatas na ibigay na ang hinihiling na P2 bilyong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Ayon kay Estrada, “Paano naman magpa-function ang OVP kung tatapyasan mo ng pondo? Remember, she is the second highest official of the country and she deserves some respect and dignity.”
Ang pahayag na ito ay umuukit sa isang mahalagang usapin hinggil sa badyet ng bansa.
Ipinunto ni Estrada na ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno, na si Vice President Sara Duterte, ay nararapat na mabigyan nang sapat na pondo upang epektibong magampanan ang kanyang tungkulin.
Ang kanyang pahayag ay lumitaw matapos magrekomenda ang House panel na tapyasan ng P1.29 bilyon ang badyet ng OVP.
Sabi naman ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Stella Quimbo, ang desisyon ng Kamara ay nakaugat sa kakulangan ng detalye sa proposal ng OVP.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Estrada na ang anomang pagbabawas ng pondo ay kinakailangang may sapat na batayan.
“I don’t see anything wrong about it as long as it is justified. But if they can’t justify, kailangan manghimasok na kami,” dagdag niya.
Samantala, binigyang-diin ni Senador Francis Tolentino na ang huling desisyon hinggil sa badyet ay nakasalalay sa plenaryo at maaaring maayos sa Bicameral Conference Committee.
“Kung magkatugma [o] hindi magkatugma sa desisyon ng mababang kapulungan, ito na ‘yung pagpasok sa Bicameral Conference Committee, paplantsahin ‘yun doon kung ano talaga ‘yung budget na maaprubahan,” ani Tolentino.
Sa kabila ng mga usaping ito, ipinahayag ni Duterte ang kanyang kahandaan na magtrabaho kahit na may posibilidad ng “zero budget.”
“Handa kami. Handa ako sa Office of the Vice President na mag-trabaho kahit walang budget. Maliit lang ‘yung opisina namin. Maliit lang ‘yung operations namin kaya kayang-kaya namin na mag-trabaho kahit walang budget,” wika niya.
Ang ganitong pahayag ay nagpapakita ng dedikasyon ni Duterte sa kanyang tungkulin, ngunit hindi dapat balewalain ang pangangailangan para sa isang maayos at makatarungang paglalaan ng badyet.
Ang badyet ng OVP ay hindi lamang usapin ng pondo; ito rin ay sumasalamin sa respeto at pagpapahalaga sa institusyon ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa totoo lang, ang tamang alokasyon ng badyet ay susi sa epektibong pagpapatakbo ng gobyerno at serbisyo sa taumbayan.
79