HIRAP SA PAGSAKAY LALONG TITINDI

DPA

HINDI ko maimagine kung ano ang pagdaraanang hirap ng commuters kapag pinayagan na silang bumalik sa kanilang trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil lilimitahan ang pasahero sa lahat ng pampublikong sasakyan.

Bago nagkaroon ng pandemic, hirap na hirap na ang mga commuter sa pagsakay papasok sa trabaho at maging sa kanilang pag-uwi sa kanilang bahay dahil sa kakakulangan ng maayos na transport system sa ating bansa lalo na sa Metro Manila.

Kapag lumalabas  ka ng madaling araw, makikita mo ang napakaraming kababayan natin na nag-aabang na nang masasakyan para hindi sila mahuli sa kanilang trabaho o pupuntahan dahil sa trapik.

Kumpul-kumpol sila sa kalsada at nag-uunahan sa pagsakay kapag may humintong pampasaherong bus o jeep sa kanilang harapan at ganyang din ang situwasyon kapag sila ay pauwi na.

Walang limit kung magsakay ang mga pampasaherong bus. Kulang na nga lang eh lagyan ng pasahero ang bubong ng bus at parang sardinas ang mga pasahero sa loob.

Walang social distancing pa noon kaya ang 56 na upuan   ng isang bus ay umaabot ng 100 ang pasahero kung isasama mo ang mga nakatayo pero dahil sa pandemya, hindi na papayagan ang ganitong dami ng pasahero.

Kung 56 lang ang upuan, 25 na lang ang puwedeng isakay ng mga pampasaherong bus at bawal na ang standing at ganyan din ang mangyayari sa MRT at LRT kapag puwede nang bumalik sa trabaho ang mga manggagawa.

Ngayon pa lang, naawa na ako sa ating mga kababayan dahil tiyak na mahihirapan sila sa pagpasok sa kanilang trabaho dahil kung noon ay hirap na sila sa pagsakay, paano na lang kung ipapatupad na talaga ang social distancing sa mga transportasyon.

Dapat planuhing mabuti ng gobyerno kung papaano tutulungan ang mga manggagawa sa pagpasok sa kanilang trabaho para matiyak na masunod ang social distancing.

Kailangang ikonsidera ang kalagayan ng mga manggawa na walang sariling sasakyan sa pagbubukas muli ng ekonomiya (na lugmok na) ng bansa. Sana hindi na dagdagan pa ang kanilang pagdurusa.

Kung walang maayos na plano ay tiyak na malalabag ang ‘protocol’ na ito sa pagsugpo sa COVID-19 at baka lalong magkakaproblema ang bansa kung dahil sa transportasyon ay magkakaroon ng second wave sa pandemyang ito.

Alam kong gustong-gusto na ng ating mga kababayan na makabalik sa kanilang trabaho dahil gutom na sila at gustung-gusto na rin ng mga negosyante na buksan na ang kanilang negosyo dahil luging-lugi na sila.

Lahat ay gusto nang bumalik sa normal na buhay pero hindi ang mangyayari hangga’t wala raw bakuna sa COVID-19 na ayon sa mga ekesperto ay posibleng magawa sa susunod na taon pa.

Mahaba-habang anxiety, pagdurusa pa ang susuungin ng ating mga kababayan kaya dapat planuhing mabuti ang lahat at iwasan ang pagiging reactionary o saka lang kikilos kung may nangyari na. Lord, Kayo na po ang bahala sa amin. BERNARD TAGUINOD

 

293

Related posts

Leave a Comment