HOA NG AMAIA SCAPES UMALMA!

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MAY mangilan-ngilang nag-message sa amin na kinukwestyon ang aming isinulat noong nakaraang Miyerkoles sa pitak na ito.

Ano raw ba ang nalalaman namin at nakikialam kami sa issue o iringan ng Homeowners Association sa Amaia Scapes sa Laguna. Mas marami raw silang alam sa nangyayari doon at mali-mali raw ang sumbong na nakarating sa amin.

May isa kaming sinagot sa isa sa mga mensaheng ipinadala sa aming page na Rapido Ni Patrick Tulfo, na mukhang hindi naiintindihan ang aming isinulat dahil ang panig lang niya ang gusto niyang intindihin.

Ayon sa mensahe nito sa amin, mali-mali raw ang sinabi sa amin ng mga complainant dahil isa siya sa Board of Directors sa kabilang grupo.

Sinabihan ko siya na mukhang hindi niya naintindihan ang aking isinulat dahil sinabi ko roon na pinayuhan namin ang mga complainant na magsampa na lang kaso laban sa mga inirereklamo nilang mga personalidad. Dahil para sa akin ay kung may hawak silang court order ay walang magagawa ang mga talunan sa eleksyon kundi sundin ang desisyon ng korte (anoman ang maging desisyon nito).

Binigyang diin ko sa aking isinulat na ang sigalot sa mga HOA ay dapat na inaaksyunan ng DHSUD at hindi na dapat nakararating pa sa korte. Ngunit hindi ganoon ang nangyayari.

Katulad ng hawak naming kaso ng gulo ng HOA sa Multinational Village sa Parañaque City kung saan nakaabot pa sila sa Court of Appeals, o ‘di ba, marami silang perang pangtustos sa kanilang mga kaso.

Hindi lahat ay may kakayanan na makapagsampa ng kaso sa korte kaya nga sinabi natin na inutil ba ang DHSUD kung umaabot pa sa pagkakaso ang mga ganitong sigalot?

Sinabihan namin ang nag-message sa amin na huwag na lang pakialaman ang aming ginagawa at ‘wag kaming turuan.

Hiningi namin sa mga complainant ang numero ng ilang inirereklamo nila pero huli na nang aming makita ang kanilang mensahe.

Nakatakda namang magharap sa programa ng inyong lingkod ang dalawang panig upang magkalinawan at magkaayos, dahil ‘yun naman ang layunin natin, ang maging maayos sila.

Hindi po kami korte, at hindi po kami umaaktong abogado. Kami po sa media ay nais lang mamagitan sa mga gustong humingi ng tulong.

Ang aming serbisyo publiko ay bukas sa mga gustong humingi ng tulong kung sa tingin nila ay makatutulong kami. Lahat po tayo ay pwedeng mamagitan basta’t nasa tama lang. Balanse lang.

132

Related posts

Leave a Comment