NAPAKASAMA naman nang nangyayari sa Department of Information and Communication Technology (DICT) sapagkat sa ikaapat na buwan ni dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan bilang kalihim ng nasabing kagawaran ay pinuntirya agad niya ang multi-milyong pondo para sa “confidential expenses” ng DICT.
Batay sa dokumento ng Commission on Audit (COA), Nobyembre 22 hiningi ni Honasan ang unang P100 milyon na gagamitin daw sa confidential expenses ng DICT.
Pagkatapos, dalawang beses muling humingi ng tig-P100 milyon noong Disyembre.
Kaya, P300 milyon lahat ang nakuha niya mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa COA, kay Honasan mismo nakapangalan ang paglalabas ng P300 milyon para sa DICT.
Nakasaad sa sulat ni Honasan na ang P300 milyon ay gagamitin bilang “confidential expenses in connection with cybersecurity activities” ng DICT.
Ang P300 milyon ay bahagi ng P400 milyong confidential funds ng DICT na naipasok sa kabuuang badyet ng kagawaran para sa 2019.
Nakarating sa media ang iskandalo sa DICT hinggil sa P300 milyon nang ilabas sa media ang pagbibitiw ni Undersecretary Eliseo Rio sa DICT.
Ang pagbibitiw ni Rio ay mayroong kinalaman sa iskandalo tungkol sa P300 milyon.
Ipinahayag ni Rio na “DICT cannot use a confidential fund because it’s not in our mandate to do intelligence and surveillance work.”
Ang kagyat na trabaho o mandato ng DICT ay tiyaking masimulan na ng ‘Dito Telecommunity’ ni Dennis Uy ang operasyon ng kanyang kumpanya bilang ikatlong telecommunication company.
Ang operasyon ng Dito ay siyang inaasahang mag-aalok ng mabilis na internet sa Pilipinas, kaya pinayagan ng administrasyong Duterte na magkaroon ng ikatlong telco.
Sa mahabang panahon na kontrolado ng Smart Telecommunications ng pangkat ni Manny V. Pangilinan at Globe Telecoms ng magkapatid na Fernando Zobel de Ayala at Jaime Augusto Zobel de Ayala ang industriya ng telekomunikasyon sa bansa ay masyadong mabagal ang internet.
Sa ganitong suliranin, hindi ko maintindihan kung bakit ang unang inatupag ni Secretary Gringo Honasan ay ang makuha ang P300 milyong pondo para sa confidential expenses ng DICT.
Anu-ano ba ang confidential expenses na ito na matatagpuan sa cybersecurity activities na idinahilan ni Honasan sa pagkuha ng P300 milyon?
Kailangang bang unahin ng DICT ang ‘sikretong pangyayari o ginagawa’ sa cyber-security activities upang magkaroon agad ng P300 milyong pera ang tanggapan ni Honasan?
Nakadidismaya si Honasan sapagkat ilang buwan pa lamang siyang kalihim ng DICT ay naiskandalo na agad ang kagawarang ito dahil sa P300 milyong pera ng pamahalaan.
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271
393