HUMAN TRAFFICKING MARERESOLBA PA BA?

DPA Bernard taguinod

HINDI na kagulat-gulat na may nag-o-operate na sindikato ng mga scammer sa Pilipinas dahil pinayagan ng dating gobyerno ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na pinatatakbo ng Chinese nationals.

‘Yung natuklasang scamming operation sa Clark, Pampanga na itinip ng Indonesian authorities sa ating mga awtoridad ay malamang ay isa lamang sa mga operasyon ng mga dayuhang sindikato.

Malamang na malamang ay Chinese nationals na naman ang nasa likod ng scamming operation na ito sa Pampanga dahil sila rin ang nasa likod ng scamming operation sa Cambodia na ang mga biktima naman nila ay mga Filipino na desperadong magkaroon ng trabaho.

Ang tanong ngayon, paano nakapasok sa bansa ang halos isang libong dayuhan na kinabibilangan ng Indonesians, Vietnamese, Malaysian, Burmese, Thai, Nepalese, Chinese at Taiwanese nationals?

Bumabalik tuloy sa isip ng mga tao ang pastillas gang sa Bureau of Immigration (BI) na nagpapasok ng Chineses nationals na magtatrabaho sa POGOhan sa Pilipinas kapalit ang malaking halaga.

Kung talagang seryoso ang BI na labanan ang human trafficking, hindi dapat nakapapasok ang mga biktima ng sindikato sa ating bansa at hindi rin dapat makalalabas ang mga kababayan natin lalo na ‘yung mga nagtrabaho sa scamming operation sa Cambodia.

Pero may mga report na may BI officers ang kasabwat ng sindikato kaya nakalabas ang mga kababayan natin at nakarating sa Cambodia, sino ang dapat sisihin sa hindi maresolbang human trafficking?

Ang pinag-iinitan ng BI ay ang mga kababayan natin na gustong mamasyal sa ibang bansa na kung busisiin ang kanilang layon sa paglabas ay talagang nakawiwindang at nakaiinsulto sa karamihan.

Kaya magtataka ka kung bakit may mga kababayan tayo na nakalalabas ng bansa na biktima ng sindikato gayung mahigpit naman sila sa counter sa pagbusisi ng travel papers mo.

Ibig sabihin niyan, may mga hudas talaga sa BI na binabayaran ng sindikato kaya may mga biktima ng human trafficking dahil kung wala, wala tayong ganitong problema.

Teka, wala na tayong balita sa POGOhan ah. Ano na ang nangyari sa Chinese nationals na nasangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng kidnapping, murder at iba pang kriminalidad?

Nakabibingi ang katahimikan sa isyung ito at walang impormasyon kung nagbabayad na ba talaga ng buwis ang mga POGOhan kung hanggang ngayon ay nag-o-operate pa sila.

Malamang, saka na naman pag-uusapan ‘yan kapag balik sa criminal activities ang Chinese nationals na konektado sa mga POGOhan dahil mukhang nagpapalamig muna sila.

49

Related posts

Leave a Comment