HUSTISYA MAILAP PA RIN SA PAMILYA NG MAHIGIT 830 BIKTIMA NG ‘MV PRINCESS’ TRAGEDY

EARLY WARNING

May 11 taon na rin ang nagdaan matapos ang malagim na trahedya sa dagat sa Romblon pro­vince na kinasangkutan ng M/V Princess of the Stars na pag-aari ng malapit-sa-sakunang Sulpicio Lines (kung kaya’t pinalitan na ito ng pangalan) pero lahat ng pamilya ng mahigit na 830 na mga nasawi ay patuloy pa ring nananag­hoy at naghihintay ng hustisya.

Kahit si Public Attorneys’ Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta na matinding nakaalalay sa mga naghihirap na kamag-anak simula noon hanggang sa kasalukuyan ay hindi rin maitago ang pagkadismaya sa sobrang bagal ng paggulong ng hustisya sa korte.

“Pero wala tayong magagawa kung hindi magtiyagang mag-intay habang patuloy kaming nakaalalay at nakasuporta sa mga kamag-anak ng mga nasawi upang ma­panatili namin ang tibay ng kanilang loob sa kabila ng pangyayari,” ani Chief Rueda-Acosta.

Ayon sa record, 2015 lamang nakatikim ng ‘panalo’ ang claimants nang maging paborable ang naging desisyon sa consolidated civil cases na kanilang isinampa laban sa Sulpicio Lines.

Sa desisyon ni Manila Regional Trial Court Judge Daniel Villanueva ng Branch 49, kanyang nakita ang kapabayaan ng Sulpicio Lines sa naganap na trahedya kung kaya ito’y kanyang pinagbayad ng halagang P241 milyon sa claimants.

Pero, sadyang mailap pa rin ang hustisya sa kanila dahil itong taon lang dumulog ang Sulpicio Lines na ngayon ay tinawag nang Philippine Span Asia Carrier Inc. sa Court of Appeals (CA) para iapela ang hatol ng RTC laban sa kanila, saad ni Chief Rueda-Acosta.

Nangyari ang trahedya noong June 21, 2008 sa kasagsagan ng Bagyong ‘Frank’ nang lumubog ang barkong lulan ang mahigit na 1,000 pasahero malapit sa Sibuyan Island, San Fernando sa Bohol kung saan mahigit 830 ang mga namatay, may 58 survivors at ang iba ay di pa natagpuan.

Dahil sa trahedya, kinansela ng Maritime Industry Authority ang prangkisa nito na magsakay ng pasahero at pinayagan na lang ito na magdala ng mga kargamento.

T’yak ilang taon pa ang magdaraan at ipaghihintay ng mga kamag-anak bago magkaroon ng ruling ang CA at sana lang ay ma­ging paborable sa kanila eh paano kung sa kabila mapunta ang pabor, paano na lang?

Eh ‘di ang mangyayari, idudulog either ng claimants o defendants (Sulpicio) ang CA ruling sa Supreme Court kung kaya’t ilang taon na naman ang lilipas bago magkaroon ng desisyon hinggil dito kaya pag nagkataon baka mga apo-apuhan na lang ang nagpa-follow up at nag-iintay ng hustisya! (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

73

Related posts

Leave a Comment