HUSTISYA SA PAGPATAY KAY PERCY LAPID

PUNA Ni JOEL AMONGO

KALIWA’T kanan kasama na ang PUNA, sa nananawagan na mabigyan ng katurungan ang pagpaslang sa kapwa nating mediaman na si ­Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.

Tinambangan ng riding- in-tandem si Lapid dakong alas-8:30 ng gabi noong nakaraang Lunes, Setyembre 3, 2022, habang minamaneho niya ang kanyang sasakyan papasok sa Sta. Cecilia sa Las Piñas City.

Ayon sa lumabas na report, binangga muna si Lapid ng Fortuner at saka dumating ang riding-in-tandem at pinagbabaril siya.

Kung pagbabasehan ang style ng mga suspek ng pagpatay kay Lapid ay lumalabas na professional killer ang ­gumawa nito.

Sa pangyayaring ito, isinisisi ngayon ng ilang grupo sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pagpatay kay Lapid.

Kilala si Lapid bilang hard hitting broadcaster lalo sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ni PBBM.

Kaya nagsasaya ang mga nasa oposisyon dahil panahon na nila ngayon na palakihin ang isyu at isisi nila ang pamamaril kay Lapid sa administrasyon ni PBBM.

 

Hindi porket bumabatikos si Lapid sa administrasyon ni PBBM ay ipapapatay na siya nito.

Hindi bobo si PBBM para gawin niya ‘yan dahil alam niyang siya ang pagbubuntunan ng galit ng mga taga-media at kamag-anak ni Lapid kapag ginawa niya ‘yan.

Hindi rin style ng mga Marcos na kapag binabatikos sila ng taga-media ay ginagantihan nila ito.

Biktima sila ng magaga­ling magmaniobrang politiko.

Isang halimbawa na ang Plaza Miranda Bombing na kung saan ay isinisi kay dating Pangulong Marcos ang ­pangyayari at makalipas ang ilang taon ay lumabas na ang nasa likod ay ang New ­People’s Army (NPA) sa ­pamumuno ni Joma Sison.

Ayon sa ilang mga ­nakausap ng PUNA, ang nangyayaring pangbabaliktad sa matandang Marcos noon ay inuumpisahan na ngayon sa administrasyon ni PBBM.

Nasa kamay na ng mga awtoridad kung ano ang ­gagawin nila para lumabas ang katotohanan at kung sino ang tunay na nasa likod ng pagpatay kay Lapid.

Kailangang managot sa batas ang mga salarin at kasabwat nila dahil hindi lang pamilyang Lapid ang ­apektado nito kundi lahat ng mga nasa hanay ng ­media at nakasalalay rito ang ­katahimikan ng ating bansa.

Kahihiyan din ang ­inaabot ng Pilipinas sa international community na minsan na tayong binansagan na ‘pinakadelikadong lugar’ para sa mga taga-media.

Si Percy Lapid ay minsan naging kakampi ko sa aking laban.

Nakikiramay po tayo sa pamilyang Lapid sa pagkawala ng kanilang padre de pamilya.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

10

Related posts

Leave a Comment