HUWAG KAYONG PALOLOKO SA MGA POLITIKO SA ELEKSYON

HINDI lang boboto ang mga botante sa magiging pangulo at panagalawang pangulo ng bansa, kundi maging sa mga tatakbo sa pagkasenador, kongresista, gobernador, bise – gobernador, alkalde at maraming iba pang posisyon.

Ang hindi lang kasama sa halalan sa Mayo 2022 ay ang mga punong barangay, mga kagawad ng barangay at mga tserman ng Sangguniang Kabataan (SK), sapagkat sa Disyembre 2022 pa ang kanilang halalan.

Sa eleksyong magaganap, payo ko ay huwag kayong paloloko sa mga politikong tatakbo sa eleksyon.

Huwag na huwag kayong paloloko sa lahat ng mga kandidato upang huwag masayang ang inyong boto.

Pokaragat na ‘yan!

Alam ng pinakamaraming botante, kundi man lahat, na regular nang ginagawa ng mga kandidato na mangako nang mangako sa publiko ng lunas, o solusyon, sa halos ng problemang kinakaharap ng mamamayan.

Katunayan, malayo pa ang kampanya ay marami nang aksyong ginagawa ang mga posibleng tatakbo sa anumang posisyon sa eleksyon upang makilala sila ng publiko habang maaga.

Pokaragat na ‘yan!

Kung kilala na, o popular, tulad ng mga senador at alkalde, ay kumikilos sila nang husto upang palabasing masipag sila.

Pokaragat na ‘yan!

Mapapansing nakalulula ang kanilang kasipagan upang masabi lamang ng publiko na kahanga-hanga sila.

Mapapansin ang kanilang nakalululang kasipagan sa mga press release na lumalabas sa media.

Pokaragat na ‘yan!

Kahit wala silang nalalaman sa isyung pinag-uusapan sa pampublikong opinyon ay mababasa sa mga pahayagan ang mga balita patungkol sa kanilang pananaw sa mga isyu.

Ngunit, ang totoo ay hanggang media lang nakararating ang kanilang aksyon at desisyon.

Sa totoong pangyayari ay wala silang ginawa.

Manloloko na, batugan pa sa totoong buhay!

Pokaragat na ‘yan!

Marami-rami ring mga ­senador, alkalde at iba pang politikong ubod nang sisipag magpahayag sa mga tampok at ­nagbabagang isyu sa ating bansa, kaya payo ko na maging mapanuri at mapag-isip kayo laban sa kanila upang huwag kayong maloko.

Kung hindi kayo magiging mapanuri at mapag-isip ay pihadong kayo rin ang kawawa sa bandang huli.

Nabanggit ko ito dahil mahigit limang taon na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulo Maria Leonor “Leni” Robredo sa puwesto, mga nakasabayan nilang mga senador, kongresista at iba pang opisyal sa iba’t ibang yunit ng pamahalaang lokal, ngunit hanggang ngayon ay hindi natin nakakamit ang “pagbabago” na ipinangako sa atin ng mga nasabing halal na mga opisyal, lalo na si Duterte.

Ngayon ay Abril 2021, ngunit hanggang ngayon ay napakarami pa ring mga Pilipino ang walang dudang napakahirap ang buhay, napakaraming walang hanapbuhay, napakaraming nagtatrabahong kakarampot ang suweldo at napakarami ring nabubuhay na lamang sa samu’t saring suliranin.

At ang labis na nakadidismaya at nakabubuwisit ay pasahol nang pasahol ang nabanggit kong mga kalagayan.

Habang pasama nang pasama ang napakasahol na buhay ng napakaraming mga Pilipino, walang tigil naman sa pagbibigay ng kung anu-anong ideya at aksyon ang mga pinuno ng ating bansa na hindi man lang ­nararamdaman.

Kahit na umangal at maglagay ng komerntaryo ang mga pangkaraniwang tao sa social media ng kanilang hinaing at puna ay walang substansiyal na pagbabagong nangyayari sa kanilang buhay.

Marahil, ito ay resulta ng pagiging inutil ng maraming pinuno ng ating bansa.

Kaya, hayaan niyong ulitin ko ang aking payo sa inyo na huwag na huwag kayong paloloko sa mga kandidatong tatakbo sa lahat ng posisyon sa halalang Mayo 2022, lalo na sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo.

Kung patuloy kayong magpapaloko, pihadong magkakaloko-loko ang inyong buhay at ang ating bansang pinakamamahal.

44

Related posts

Leave a Comment