HUWAG MAGPAUTO ULIT SA CHINA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NAGHAHABOL ulit ang China para matuloy ang naudlot na oil at gas exploration sa South China Sea na kinansela ni ­dating Pangulong Rodrigo Duterte bago siya bumaba sa puwesto.

Dapat matuto ang kasalukuyang mga lider ng bansa sa karanasan ng mga Filipino noong panahon ni Duterte dahil habang may kasunduan ang dalawang bansa sa joint ­exploration ay nagpista sila sa ating ­territorial waters.

Lalong lumakas ang loob ng China noong panahon ni Digong dahil daan-daang barkong ­pangisda ang kanilang idineploy sa ating teritoryo para mangisda habang nagugutom ang mga Filipino.

Patuloy rin ang ginagawang pangha-harass ng kanilang coast guard at navy kasama ang Chinese militia, sa ating hukbo na nagdadala ng supply para sa mga sundalo na nagbabantay sa ating teritoryo sa Ayungin na mukhang interesado na naman silang sakupin.

Hindi lang isang beses nilang ginagawa ito at ­nang­yayari ito habang may kasunduan ang ­dalawang bansa habang ­itinuturing sila ni Digong na isang matalik at matatag na kaibigan.

Patuloy rin nilang hinaharang ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal na matagal nang fishing ground natin. Kung baga, inaangkin na nila nang buong-buo ang teritoryo nating ito.

Dahil napurnada ang joint exploration agreement, ­nagla-lobby na naman ang China para ituloy ang kasunduang ito. Para silang maamong tupa na ang bait-bait dahil may hinihirit pero kapag pinagbigyan ay para ­silang mga lobong nanlalapa.

Ang bait-bait ng bisita ­nating si Minister Liu Jianchao ng ­International Department of the Central Committee of the ­Communist Party of China (IDCPC) na ang ­misyon sa ­pagbisita ay ­buhayin o ituloy ang joint ­exploration ­ agreement.

Pero ang matataas na ­opisyales ng CCP lalo na ang kanilang mga taga-pagsalita ay ­matindi ang paninindigan… pag-aari nila ang buong South China Sea kasama na ang WPS at walang puwedeng humarang o kumontra sa kanilang mga ginagawa at gagawin pa sa ­karagatang ito.

Kaya dapat mag-ingat ang China dahil iba ang sinasabi ng kanilang mga ipinapadalang tao sa Pilipinas para mag-lobby at iba ang ginagawa ng kanilang coast guard at navy lalo na ang matataas na opisyales sa ­Beijing.

Pero teka, bakit ba kailangan pa ang joint exploration eh halos sakop na nila ang buong WPS? Ibig bang sabihin, wala roon ang mga hinahanap na deposito ng gas at langis?

Kung nasa mga reef na ilegal na nilang inangkin at tinayuan ng military facilities, ang deposito ng gas at langis, hindi na makikipag-usap ang mga ‘yan. Nuknukan ang mga iyan ng gulang eh.

Senyales ‘yan na nasa paligid lang natin ang deposito ng langis at gas na dapat nabasa na ng mga opisyales natin dahil hinding-hindi maghahabol ang mga iyan kung nasa lugar na inangkin nila ang kanilang hinahanap!

Related posts

Leave a Comment