HYGIENE O KALINISAN SA MGA RESTO AT HANDAAN

KUMPIYANSA na ang marami, lalo na ang mga bakunado dahil sa pagbaba ng bilang sa bansa ng mga nagkaka-COVID-19, ang virus na mula Wuhan, China na sanhi ng pandemic sa buong mundo.

Ito Ang Totoo: bahagi ng pagluluwag sa anti-Wuhan virus protocols ay ang pahintulot sa mga “restaurant” at handaan na mag-serve ng pagkain na buffet style o paghain ng pagkain na ang mga kakain ay kanya-kayang pila, pili at kuha.

Pero ligtas na nga ba?

Hindi dapat kalimutan na ang pandemic ay hindi pa rin tapos. Isang may virus lang ay pwede na namang mahawaan ang maraming tao na maaaring magkalat ng sakit sa kani-kanilang lugar.

Nakakakilabot nitong ­Mother’s Day sa ilang establisimyentong ating pinuntahan na ang mga lumalapit sa buffet table kung saan ang mga pagkain ay nakahain, ay hindi na nagsusuot ng face mask.

Kasi tinatanggal ang face mask habang nasa lamesa at kumakain, at kapag tumayo ay hindi na muling isinu­suot, paglapit naman muli sa buffet table o pupunta naman sa palikuran o restroom.

May paubo-ubo at may napapabahin, susmaryosep, kahit pa sa may nakabuyangyang na pagkain.

Ito Ang Totoo: hindi lang naman Wuhan virus ang dapat iwasan, nariyan din ang trangkaso, colds, hepatitis, TB at marami pang iba.

Lahat ng sakit na nabanggit sa taas, tulad ng Wuhan virus, ay maaaring makamatay o magsanhi ng malaking pinsala sa ­ating buhay.

Kaya ang pag-iingat ay dapat ipagpatuloy, may pandemic pa o wala na, ang kalinisan o hygiene ay hindi dapat kinalilimutan o isinasantabi.

Ito Ang Totoo: maaaring gawing mandatory o patakaran sa mga resto at handaan ang pagsusuot ng face mask para sa mga lumalapit at kumukuha ng pagkain sa buffet table.

Ganoon rin ang mga waiters at waitresses na sana itigil na ang gawing sinasabi pa kung ano at kanino ang in-order na dumating.

Hindi biro ang magka-­COVID-19 virus, Hepa, TB, etc. pero kaya natin itong labanan, basta nagkakaisa pagdating sa hygiene o kalinisan.

Kung nakabantay ang may-ari ng mga resto, o caterer ng handaan, dapat sila na mismo ang mag-police sa kanilang hanay kundi man ay ang kanilang mga bisor at managers.

Maikli ang buhay kaya dapat ma-handle nang mahusay. Sa hygiene o kalinisan, tayo ay magkakaalaman. Isuot pa rin ang face mask at isuot nang tama, iyong natatakpan ang bibig, kasama pati ilong. Ito Ang Totoo!

113

Related posts

Leave a Comment