IBAYONG PAG-IINGAT DAHIL SA OMICRON VARIANT

KUNG kailan sunud-sunod na ang magandang balita tungkol sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19, heto at may bago na namang variant ang nakita mula sa South Africa. Tinawag itong Omicron variant ng World Health Organization.

Noong nakaraang linggo, nakita ang panibagong variant sa South Africa. Ayon sa World Health Organization, mas delikado umano ito dahil sa kakayahan nitong mag-mutate nang maraming beses. May kakayahan din daw itong maging resistant sa bakuna.

Dahil dito, nauna nang ipinagbawal ng Britanya ang pag-alis ng bansa at ang pagpasok ng mga traveler mula sa lima pang South African nation. Ang Israel naman ay nagsara na ng kanilang border.

Wala pa mang bagong variant sa Pilipinas, kailangan pa rin nating paigtingin ang ating pag-iingat lalo pa at niluwagan na ng gobyerno ang restriksyon para sa mga international traveler.
Mula Disyembre 1, ang mga fully vaccinated na manggagaling sa mga tinatawag na “green countries” ay papayagan nang pumasok sa Pilipinas nang hindi sumasailalim sa mandatory quarantine basta’t sila ay fully vaccinated.

Dahil sa pagluwag ng restriksyon sa Metro Manila at iba pang lugar, tila naging kampante na ang mga indibidwal dahil kapansin-pansin na ang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at pampublikong lugar.

Lalo’t maging ang mga batang dalawang taon ding nanatili sa kanilang mga tahanan ay malaya na ring nakalalabas kahit hindi pa bakunado, dapat tayo ay maging doble-ingat upang hindi na natin muling maranasan ang paglobo ng mga bagong kaso.

Bukod dito, isabay na ang pagtanggap ng bakuna upang makamit na ng Pilipinas ang herd immunity goal.

Ang gobyerno ay nag-organisa ng tatlong araw na vaccination day mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, upang ma-hit ang target nitong bakunahan na milyon-milyong Pilipino.
Ang mga inisyatibang ito ng gobyerno ay napakahalaga hindi lamang para sa ating kaligtasan, ngunit pati na rin sa pagbabalik sa normal na pamumuhay, at pagbangon ng ekonomiya. Atin sana itong samantalahin.

Ang vaccination effort ay hindi magiging matagumpay kung ang gobyerno lamang at mga medical frontliner ang magtutulungan. Ang kooperasyon ng mamamayan ay higit na kailangan para makamit ito.

Bilang mamamayan, ang bawat isa ay may mahalagang papel sa inisyatibang ito: ang patuloy na paghimok sa mga hindi pa bakunado o takot mabakunahan upang tumanggap na ng bakuna.
Dahil na rin sa dami pa ng hindi pa bakunadong indibidwal, marahil ay ang mga kandidatong tatakbo sa susunod na halalan ay tumulong din sa pangangampanya hindi lamang para sa kanilang mga sariling plataporma kundi pati na rin sa pagbabakuna.

Para naman sa mga hindi bakunado, nawa’y samantalahin n’yo na ang walk-in vaccination program upang protektahan hindi lamang ang inyong sarili kundi pati na rin ang inyong mga mahal sa buhay at ang mga makasasalamuha pa nila. Sa panahon ngayon, ang pinakamagandang regalo na ating maibibigay sa ating sarili at mga mahal sa buhay ay ang ligtas na pamumuhay at maayos na pangangatawan. Maswerte na lang tayo kung tayo ay mananatiling ligtas hanggang matapos ang pandemyang ito.

Ang labang ito ay hindi lamang laban ng iisa. Sama-sama tayo at magtulungan upang ang pandemyang ito ay mawakasan na. Karapat-dapat tayong mamuhay nang normal, ibigay natin ito sa bawat isa gamit ang ating papel sa bayan.

2

Related posts

Leave a Comment