IBINEBENTA BA TALAGA ANG INFO NG MGA TAO?

HINDI na ako magtataka kung may mga taong ayaw magbigay ng tunay na impormasyon sa registration form para sa contact tracing dahil naiistorbo sila ng unwanted messages and calls.

Kung magbigay man sila ng tunay na impormasyon, parang sinasadya nilang hindi mabasa ang kanilang sulat… kung baga kahig-manok nila isinusulat ang kanilang impormasyon lalo na ang kanilang cellphone numbers.

Mula kasi nang manalasa ang COVID-19 na nagsimula sa Wuhan, China na parang itinago ng Chinese government at ­pinayagan nila ang kanilang mamamayan na umalis sa kanilang bansa kaya kumalat ang virus na ito sa buong mundo kasama na ang Pilipinas, ­inobliga ang lahat ng establisyemento na kunin ang impormasyon ng kanilang mga kliyente.

Bawat pasok mo sa isang lugar, tindahan man ‘yan, mall, bangko, gym at halos lahat yata, ay kailangan mong magrehistro para sa contact tracing daw sakaling magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa kanilang establisyemento.

Ang problema ng mga tao ngayon, mukhang nagkaroon ng access ang mga scammer sa kanilang impormasyon kaya kung sino-sino ang nagte-text sa kanila para mag-alok ng kung ano-anong paninda, serbisyo, nagpapa-load at may nagpapautang pa kuno.

Kahit hatinggabi na kasarapan ng tulog mo ay makatatanggap ka ng message at ‘yung iba halatang scammer pero may mga nabibiktima lalo na kung naalimpungatan ka at ang mensahe na natanggap mo ay nagbabala na may nag-withdraw sa account mo sa bangko.

Para raw mapigil ang transaksyon, kailangang i-text back ang lahat ng impormasyon mo sa bangko na kapag pinatulan mo ay siguradong mabibiktima ka ng scammers.

Ang tanong, paano nakuha ng scammers ang numero mo at pati ang buong pangalan mo ay alam nila? Saan nila kinuha yan? Sa contact tracing forms ba na obligadong i-fill-up ng mga tao para makapasok sa isang lugar?

Marami ang naniniwala na may nagbebenta ng impormasyon ng mga tao dahil kung hindi, papaano nakukuha ng mga scammer ang numero mo? Imposibleng nanghula lang sila.

Alam din kaya ng mga nangongolekta ng impormasyon na may umi­iral na batas hinggil sa data privacy at ang mga ­establisyemento ay may tungkulin na protektahan ang mga kanilang mga kliyente?

4

Related posts

Leave a Comment