BALYADOR ni RONALD BULA
HINDI dapat payagan ng pamahalaan na imbestigahan ng mga kinatawan ng International Criminal Court (ICC) Ang sinomang opisyal ng Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile matapos payagan ng ICC ang hiling ng prosecutor nito na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong ‘war on drugs’.
Ayon kay Enrile, bilang abogado ng pangulo, hindi niya kikilalanin ang kapangyarihan ng ICC dahil wala itong hurisdiksyon sa Pilipinas, makaraang kumalas ang bansa sa Rome Statute na nagtatag sa nasabing international tribunal.
Sa katunayan, dapat aniyang ipaaresto ang mga ICC investigator na pupunta sa Pilipinas para silipin ang nangyari sa mga biktima ng giyera kontra droga.
Iginiit ng dating Senate president na masyado nang nakiki-alam ang ICC sa usaping panloob ng Pilipinas at sa halip na agarang magdesisyon ay dapat munang humingi ng permiso para makapasok ang kanilang mga imbestigador sa bansa.
Samantala, hinikayat ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ibalik ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.
Giit ni Castro, hindi dapat nag-withdraw ang Pilipinas mula sa ICC na isang mahalagang institusyon sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao.
Mensahe ito ni Castro, kasunod ng pasya ng ICC na ituloy ang imbestigasyon sa kontrobersyal na “war against drugs” sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Isang mabuting balita para kay Castro ang nasabing desisyon ng ICC.
Diin ni Castro, dapat matiyak na mananaig ang “rule of law” at ang hustisya ay maibibigay sa lahat.
Dagdag pa niya, mahalaga rin na mapanagot ang lahat ng mga responsable sa mga krimen.
@@@
Suhestyon at Reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
