ICC PROBE KONTRA DRUG WAR NI DU30

SA hudyat ng International Criminal Court, muling umarangkada ang imbestigasyon kaugnay ng madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte – batay sa kahilingan ng tagausig ng pandaigdigang husgado.

Subalit ang administrasyon hindi kumbinsido, sukdulang isakripisyo pangarap na hustisya ng libo-libong pamilya na patuloy na nangungulila sa itinumbang kaanak ng mga operatiba ng gobyerno.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, walang dahilan para panghimasukan ng ICC ang mga usaping kaya naman ‘di umanong tugunan ng hudikatura ng bansa.

Aniya pa, Nobyembre 2019 pa kumalas ang Pilipinas sa ICC bilang miyembro.

Paandar pa ni Guevarra na Kalihim ng Department of Justice ng administrasyong nagsulong ng madugong giyera ng pamahalaan laban sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot, hindi pa naman ganun ka-inutil ang mga husgado sa Pilipinas, kasabay ng giit na patuloy ang paggulong ng proseso sa hinggil sa libo-libong pinaslang ng mga operatibang pasok sa kampanya laban sa droga.

Hindi kinukwestyon ang kakayahan ng husgado. Ang tanging hanap ng ICC ay ang katotohanan. Walang iba.

Sa datos ng pamahalaan, nasa 6,252 ang napatay sa anti-illegal drug operations na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police — malayo sa 30,000 kataong itinumba, ayon sa mga human rights group.

Hindi kailangan kontrahin ang imbestigaston ng ICC kung wala tayong itinatago.

Hindi angkop na salungatin ang asam-asam na hustisya ng libo-libong naulila sa pekeng digmaang mga pobre lang ang naperwisyo.

159

Related posts

Leave a Comment