IDETALYE ANG INUTANG

0

TIYAK na lahat ng taxpayers ay magsasabi na kailangang idetalye kung saan ginastos at paano ginastos ang inutang ng ­gobyerno para tugunan ang pandemya sa coronavirus disease 2019.

Medyo nakakataranta ang P1.15 trillion na inutang ng gobyerno para labanan ang COVID-19 pandemic na una nilang binalewala noong pumutok ang virus na ito sa Wuhan, China.Tiyak na lolobo pa ang utang na iyan dahil hindi pa tapos ang pandemya.

Nararapat lang talaga na ipaliwanag o idetalye ng gobyerno papaano ginamit ang pondong ito. Saan at papaano ginamit dahil ang mamamayan ang magbabayad ng utang na iyan kasama ang interes.

Ilang taon ba natin babayaran ‘yan at magkano ang interest? Saan-saan inutang ang mga iyan at ano ang naging kondisyon para pautangin tayo ng ganyang kalaki ng mga financial ­institution at mayayamang bansa.

Tiyak ko na pati ang mga anak natin at mga anak nila, mga apo nila ang magbabayad sa utang na iyan kaya karapatan natin na malaman ang detalye ng utang na iyan.

Sa isang bahay, detalyado kung saan ginastos ang inutang ni Nanay o Tatay at kung ginagawa ito ng mga tao at pinaplano kung papaano babayaran, mas lalong kailangan gawin ng gobyerno dahil sila ang magbabayad niyan.

Karaniwan kasi, habang lumalaki ang utang, ­nag-­dadagdag ng buwis ang gobyerno para may mai­pambayad dahil ang mga kasalukuyan nating buwis tulad ng Value Added Tax (VAT), Income Tax at kung ano-ano pang mga buwis, may pinaglaanan na riyan.

Walang choice ang ­gobyerno kundi magdagdag ng buwis para makalikom ng karagdagang pondo para may maipambayad sa mga bagong utang ng gobyerno at ginamit sa isang bagay na wala sa plano kaya kailangan ng mga tao ang detalye sa utang na iyan.

At kasama ba sa inutang na ‘yan ang mahigit P11 billion na kontratang ibinigay ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally Pharmaceutical Corp.?

Walang tao, maliban lamang siguro sa mga nakinabang, sa transaksyon ng PS-DBM sa Pharmally, ang hindi nagalit sa nabukong anomalya na ito, dahil habang sila ay nagbabayad ng buwis at may posibilidad na madadagdagan pa ang kanilang babayarang buwis, nagpakasasa naman ang mga opisyales ng kumpanyang ito sa kayamanan at kung kasama ito sa inutang eh lalong nakakagalit yan!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment