IDEYA NI SHARON CUNETA KAY LENI ROBREDO WALA SA KATINUAN

NAPAKARAMING problema ng ating bansa sa ngayon, pero itong si Sharon Cuneta ay biglang naglabas ng video kung saan ang pagtakbo ni Bise – Presidente Ma. Leonor “Leni” Robredo sa pagka-Pangulo sa 2022 ang isa sa mga naging paksa.

Idiniin pa ni Sharon na sana manalo si Robredo upang “bumalik ang pagkadisente” ng Pilipinas.

Kasing linaw ng sikat ng araw na para kay Sharon, nawala na ang pagiging disente ng ating bansa nang maging Pangulo si Rodrigo Duterte.

At ang batayan ni Sharon sa ideyang iyan ay ang pahayag ng isa na gagahasain nito ang anak ni Sharon na si Frankie Pangilinan.

Totoo namang mali ‘yung netizen.

Pero, para ipuntong hindi na disente ang ating bansa dahil sa isa o dalawang tao na nambastos sa isang babae, kahit anak pa niya ang biktima, ay mali.

Wala sa katinuan ang ganitong ideya ni Sharon.

At ang pinakamatindi na wala sa katinuang ideya ni Sharon ay ang iwinasiwas niya sa publiko na karapat-dapat maging pangulo si Robredo dahil disenteng tao ito.

Dahil disente si Robredo, samakatuwid babalik ang pagiging disente ng Pilipinas.

Ganoon po ba Mrs. Sharon Cuneta – Pangilinan?

Una sa lahat, hindi kasalanan ni Duterte kung bakit mayroong mga Filipino na bastos at lantarang inilalahad ang pagiging malibog dahil hindi pa man pangulo si Duterte ay marami nang Filipino ang bastos at malilibog.

Ikalawa, kahit noong hindi pa ipinapanganak ni Sharon si Frankie ay napakarami nang mga bastos sa bansang ito – at hindi lang bastos kundi “rapists” pa nga.

Ipinapakita at pinatutunayan lamang na malaki ang problema ng ating bansa pagdating sa pananaw sa kababaihan.

At ikatlo, ang pambabastos, panggagahasa at iba pang karahasan sa kababaihan ay hindi lamang sa Pilipinas nagaganap kundi sa halos lahat ng panig ng mundo.

Ngunit, tahasang baluktot na ideya na biglang ipasok ang eleksyon at inguso sa publiko na sana manalo sa pagkapangulo si Leni Robredo.

Mahigit isang taon pa ang halalan, kaya hindi dapat ito ang paksa.

Sharon, maraming dapat unahing mga usapin at suliranin ang bansa tulad ng trabaho ng mga taong nawalan ng trabaho dahil sa nakakatakot na epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hindi iyong kandidatura ni Robredo sa halalang 2022 dahil binastos si Frankie Pangilinan.

Parehas kami ni Sharon na mayroong anak na babae.

Siyempre, ayaw kong babastusin ang anak ko.

Magwawala ako at kokonprontahin ko ang lalaking nambastos sa anak ko kahit hindi ako malakas na tao dahil sa diabetes ko.

Pero, hindi ako maglalabas ng video, o magpapahayag sa facebook account ko, o isusulat sa kolum ko na gusto kong manalong pangulo sa halalang 2022 si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II dahil baka sakaling manahimik ang mga lalaking bastos, malibog, nanggagahasa at naghahasik ng iba’t ibang porma ng karahasan sa kababaihan.

Pokaragat na ‘yan!

Ano ako engot?!

Kahit na babaeng pinakadisente ang maging pangulo ng Pilipinas tulad ni Senadora Grace Poe na sinabi ni Sharon na disenteng babae dahil anak siya ni Fernando Poe Jr. ay hindi matutuldukan ang kasamaan at karahasan sa kababaihan sa ating bansa.

Noon ngang panahon nina Corazon Cojuangco Aquino at Gloria Macapagal – Arroyo ay napakatalamak ng karahasang nalalasap ng kababaihan, samantalang mga disenteng tao ang dalawang ito.

Galing sila sa mga napakayayamang angkan.

Ang pamilya ni Cory ay kinikilalang pamilya sa Tarlac dahil napakaraming barangay ang nasasakupan ng kanilang Hacienda Luisita.

Kahit kailan, walang naibalitang masama laban kay Cory kahit nang maging asawa nito si Ninoy.

Kahit pag-aasikaso at pagtitimpla ng kape ng mga bisita ng pulitikong si Ninoy ang tanging trabaho ni Cory hanggang maging pangulo ito ng Pilipinas ay disenteng-disente pa rin siya, ngunit hindi tumigil ang pambabastos sa kababaihan, sa partikular, at karahasan sa kababaihan, sa pangkalahatan.

Si Gloria rin ay disenteng babae.

Pinalaki nang maayos si Gloria ng kanyang tatay na si Pangulong Diosdado Macapagal kahit anak si Gloria ng huli sa ikalawang asawa nito.

Katunayan, naging doktor pa ng ekonomiya, naging propesor ng ekonomiya at naging senador ng bansa si Gloria.

Ngunit, nang maging pangulo sina Cory at Gloria ay kaliwa’t kanan din ang pang-aabuso sa kababaihan.

Hindi kasalanan nina Aquino at Arroyo ang mga krimeng ginawa sa kababaihan.

Ganoon din ngayon – hindi dapat paringgan si Duterte na nawala ang pagiging disente ng Pilipinas dahil lamang sa may isa o dalawang tao na nagsabing gagahasain si Frankie.

At wala sa katinuan ang ideyang iwasiwas sa mamamayang Filipino na “sana manalong” pangulo si Robredo habang nangangamote ang administrasyong Duterte sa pagsugpo sa COVID-19 at pagpigil sa masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Wala akong sinasabing wala sa katinuan ang utak ni Sharon ha.

Aawayin ko kayo kapag sinabi n’yong baliw si Sharon.

Ang kinakastigo ko ay ang hindi matinong ideya o pananaw ni Sharon Cuneta.

Bilib nga ako sa tapang ng taong ito dahil napagtagumpayan niya ang kanyang buhay kahit noong maghiwalay sila ni Gabby Concepcion hanggang maging karelasyon niya sina Richard Gomez at Robin Padilla hanggang naging asawa niya si Senador Francis “Kiko” Pangilinan.

Ngunit, kung totoong kayang gawing disente ng isang disenteng babae ang isang lugar, dapat tumakbo si Sharon Cuneta bilang alkalde ng Lungsod ng Pasay sa 2022.

Baka, si Sharon na ang makapagtatanggal ng lahat ng bagay na nakasisira sa Pasay tulad ng mga bahay – aliwan, pasugalan at iligal na droga.

Ito ang mga pangunahing batayan kung bakit maraming nambabastos at nagsasamantala sa kababaihan.

110

Related posts

Leave a Comment