IGAGALANG KO ANG PASYA NG BAYAN KO

TULAD ng mga nakalipas na halalan, may mga tagumpay at may mga talunan. Sa pagtatapos ng halalan, agad na sinimulan ang bilangan gamit ang teknolohiyang kalakip ng makabagong panahon.

Bagama’t hindi pa opisyal ang resulta ng bilangan, malinaw ang pasya ng sambayanan – si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ang susunod na Pangulo. Si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang makakatuwang bilang Pangalawang Pangulo.

Sa puntong ito, higit na angkop ang pagpapamalas ng pagiging maginoo ng mga kandidatong hindi pinalad na manalo, lalo pa’t milya-milya ang agwat sa naitalang numerong kumakatawan sa mga boto.

Hindi biro ang paglahok sa halalan – kakayahan, sinseridad, panahon at ­malaking halaga ng salapi ang ibinuhos ng mga ­kandidatong nag-alay ng sarili sa hangaring makapagsilbi. Tulad ng isang bangka, isa lang ang pwedeng magtimon sa tamang direksyon.

Gayunpaman, malaki pa rin ang kailangang gampanan sa lipunan ng mga hindi pinalad lalo pa’t ang bawat isa’y makabayan, may kanya-kanyang husay at kapasidad. Bagama’t may napili nang magtitimon, kailangan pa rin ng sasagwan sa ­paglalayag. ‘Yan ang diwa ng pagkakaisang dapat ­mangibabaw higit pa sa maruming pulitika.

Sa pagtahak ng landas patungo sa ­pagbangon, kailangan ang pagkakaisang posible lang kung maluwag sa kaloobang tanggapin ang kanilang tadhana. Maaaring hindi pa lang nila oras na mamuno o ‘di naman kaya’y may nakalaang mas malaking hamon para sa kanila sa mga susunod pang panahon.

Ang pagiging makabayan ay nag-­uumpisa sa pagtanggap ng pagkatalo, pagpapasalamat ng mga suporta ng mga tao, at ang patuloy na pag-aalay ng sarili sa loob o labas ng tanggapan ng pamahalaan, may posisyon man sa gobyerno o wala.

Sa napipintong pag-upo ng bagong ­Pangulo, hindi magiging ganap ang pagbabago gayundin ang pagbangon ng lugmok na estado kung pare-pareho tayong mananatiling kontrapelo.

Kolektibong pagkilos batay sa pasya ng sambayanan. ‘Yan ang kailangan at obligasyon ng bawat mamamayang Pilipino.

Hindi kailangan maging bitter kung hangad natin ay isang bansang better.

139

Related posts

Leave a Comment