ILLEGAL E-SABONG SITES, NAMAMAYAGPAG NA NAMAN

MATINDI na ngayon ang mga nangyayari mula nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng online sabong sa bansa.

Kung maaalala, sinuspinde ang e-sabong operations, batay na rin sa rekomendasyon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Nagsagawa raw ng survey ang DILG ukol sa “social impact” ng e-sabong sa mga mamamayanang Pilipino.

Doon ay tinukoy ng DILG ang mga hindi pa rin nareresolbang pagkawala ng ilang mga sabungero sa bansa.

Isa raw sa mga masasasamang impluwensiya ng online sabong sa mga Pinoy ay ang kakulangan sa tulog o pagiging puyat dahil sa pagkaadik dito.

Marami rin daw ang nagiging tamad.

May mga nag-resign sa trabaho at iba pa.

Dumarami rin daw ang panawagan na suspendihin ang multibillion cockfighting industry na hinihinalang may kaugnayan sa mga kidnapping at pagkawala ng mga sabungero sa mga nagdaang buwan.

Kung hindi ako nagkakamali, ang pagpapatigil sa online sabong ay nilagdaan ng halos 23 senador sa ilalim ng Resolution 996.

Sa pamamagitan ng resolusyon na iyon, hinimok ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspendihin ang lisensiya ng mga e-sabong operators.

Dapat daw gawin iyon hangga’t hindi nareresolba ang kaso ng higit 30 nawawalang sabungero.

Hindi nga lang maitatanggi na aabot sa P3.69 bilyon ang nakolekta ng gobyerno sa gaming operations ng e-sabong licensees mula noong Abril hanggang Disyembre 2021.

Siyempre, pinagbasehan diyan ang datos na inilabas ng PAGCOR.

Mula Enero hanggang nitong Marso 15, 2022, nasa P1.37 bilyon ang naging koleksiyon ng ahensya mula sa operasyon ng e-sabong licensees.

Bago pa lamang ang suspensiyon sa operasyon ng e-sabong, nagbabala na tayo hinggil sa malaking epekto nito sa mga manggagawa sa industriya at maging sa kita ng pamahalaan.

Makaraang suspendihin ang operasyon ng e-sabong sa buong bansa, naglipana naman ngayon ang illegal online sabong sites.

Pagsisiwalat nga ni PAGCOR E-Gaming Licensing and Regulation Vice-President Atty. Jose Tria, na-monitor nga nila na naglabasan muli ang illegal e-sabong websites.

Nakababahala tuloy ito.

Ganyan ang epekto kung walang regulasyon.

Kaya maraming grupo ang nagsusulong na i-regulate na lamang ito.

Kasama raw sa mga namamayagpag na iligal online sabong website ay ang pinassabong.live; pclive1.com; sabong-express.net; phbetting.live; goperya.com; phbet44.bet; phbet.bet; at phbetr.bet.

Illegal din daw ang operasyon ng iba pang sites tulad ng sbx888.com (from phbetttings.live), pcl333.com (from pclive1.com), pns333.com (from pinassabong.live), sabongsportslive.com, drcock.live, pclive2.com, at sb168.live.

Noon pa raw alam ng PAGCOR na kapag sinuspinde ang operasyon ng online sabong ay mag-i-illegal operation ang iba at sasamantalahin ang pagkakataon para kumita ngayong krisis.

Nakalulungkot daw isipin na napupunta lang sa mga may-ari ng mga illegal e-sabong ang milyun-milyong kita nila araw-araw.

Ang nangyayari kasi, walang napupunta sa gobyerno.

Kaya mahalagang umaksiyon ang pamahalaan dito.

Dapat ibalik ang legal e-sabong sites, i-regulate nang maayos, at puksain ang mga illegal sites.

70

Related posts

Leave a Comment