‘IMAGINE’ NI JOHN LENNON LALONG IMPOSIBLE SA PANAHON NGAYON

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa pinakasikat na mga kanta ni John Lennon ang “Imagine” kung saan iniisip niyang ano kaya ang mangyayari kung ang lahat ng mga tao sa mundo ay nagkakaisa, namumuhay nang payapa, walang ganid, walang relihiyon, walang nagugutom at walang namamatay at napapatay dahil sa isang bagay.

 Pero sa sitwasyon ng mundo ngayon, hanggang sa imahinasyon na lang ang pangarap ng kantang ito dahil ang gulo ngayon sa mundo, laganap ang gutom, napakaraming ganid sa kapangyarihan at kayamanan.

 Hindi pa tapos ang giyerang inilunsad ni Russian President Vladimir Putin sa Ukraine na sinimulan niya noong Pebrero 2014 na ikinamatay ng daan-daang libong sundalo at sibilyan sa magkabilang panig.

 Naapektuhan ang ekonomiya ng mga bansa sa mundo sa giyerang ito dahil sa ambisyon ni Putin na mapalawak pa ang kanyang pinaghaharian at maging makapangyarihan sa buong mundo.

 Naging dahilan ito ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain kaya laganap ngayon ang kagutuman sa mga bansa lalo na doon sa mga nasyon na matindi na ang paghihirap, katulad sa Africa.

 Dinagdagan pa ang problema ng militanteng Hamas nang lusubin ang Israel at parang walang kaluluwa na pinagpapatay ang mga inosenteng mamamayan, matanda man o bata ay kanilang minasaker.

 Huwag naman sana pero kung hindi agad maagapan at maresolba ang problemang ito, malamang ay maging dahilan ito ng giyera sa Arab nations lalo na’t ayon sa impormasyon na natanggap ng Israel, ang Iran ang nasa likod ng mga teroristang Hamas na naghasik ng lagim sa kanilang bansa.

 At kapag nangyari ito, lalong lulubha ang problema sa ekonomiya ng mga bansa sa buong mundo at lalong maghihirap ang mahihirap na mga bansa at sino ang maaapektuhan? Hindi ang mga namumuno kundi ang mga ordinaryong mamamayan.

 May mga nagbabanta pang gulo sa mundo tulad ng Poland laban sa Belarus; Azerbaijanis laban sa Armenia; Taiwan laban sa China: North Korea laban sa South Korea at Amerika; China laban sa India at itong girian din ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

 Hindi pa dyan kasama ang internal problems ng mga bansa sa Africa at Middle East laban sa mga terorista kaya kung susumahin mo, ang gulo ng mundo. Nag-aaway-away, walang pagkakaisa dahil sa kapangyarihan, kayamanan at relihiyon.

 Sabi mismo sa kanta ni John Lennon, maaaring siyang sabihan na ‘dreamer” lamang pero hindi siya nag-iisa dahil maraming tao sa mundo ang nagnanais na mamuhay nang payapa, at nagkakaisa ang lahat ng mga tao, anoman ang lahi nila.

 Totoo, kahit sino pang tanungin mo ay gusto ng kapayapaan pero kung ang mga lider ng mga bansa sa mundo ay ganid sa kapangyarihan at kayamanan, hanggang sa imahinasyon na lamang ang lahat.

194

Related posts

Leave a Comment