IMBESTIGASYON NG PNP SA KASO NI INFANTA MAYOR AMERICA, MABABALEWALA

POSIBLENG mauwi sa wala ang investigation report ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng Philippine National Police (PNP) na naatasang mag-imbestiga upang resolbahin ang bigong pagpatay kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America noong February 27, 2022.

Ito’y sa kadahilanang hindi na nakipagtulungan sa SITG si Mayor America at sa halip ay direkta na itong nagsampa ng sariling reklamo laban sa kanyang mga inaakusahan na nasa likod ng bigong pagpatay sa kanya.

Sa kanyang reklamo, sinam­pahan niya ng kasong frustrated murder ang kanyang mga katunggali sa pulitika na sina mayoral candidate Eriberto “Ebit” Escueta, incumbent Vice- Mayor Lord Arnel Ruanto, Bobby Vargas, Ronil Nolledo, Jorraffin Plantilla, at Gilbert Pacio.

Gayunpaman, mukhang may problema sa ginawa ni Mayor America dahil ang frustrated murder is a public crime, at ang PNP ang dapat siyang co-complainant sa kaso at ang case investigator or chief of police ang siyang dapat nakapirma sa Investigation Data Form (IDF), pero sa kasong ito si Mayor America ang nakapirma sa IDF, at siya rin ang complainant at walang investigation report mula sa PNP, na ayon sa piskal na nakausap ng inyong lingkod, napakahalaga ng police report dahil ‘yun ay kailangan sa pagdinig ng kaso sa korte.

Bukod dito’y taliwas din ang isinampang reklamo ni Mayor America sa lumabas na imbestigasyon ng SITG, na binubuo ng iba’t ibang police unit at pinamumunuan ni Quezon Police Director Col.

Joel Villanueva, na nagsasaad na hindi pulitika ang motibo sa bigong pagpaslang kay Mayor America kundi quarry ­operation at sugal ang pangunahing ugat ng pananambang.
At identified na rin ng SITG ang ilang suspect sa pananambang kabilang na ang mismong gunman at batid na nila ang motibo ng mga ito.

Gayunman, ang kaso ay hindi pa naisasampa ng SITG sa piskalya dahil tumanggi umanong magbigay ng kanyang salaysay si America, bagay na naging palaisipan sa pulisya.

Dahil umano sa ginawang hakbang ni Mayor America, ­posibleng mabalewala ang pagod, malaking gastos at mahabang panahon na ginugol sa pag-iimbestiga ng SITG na binubuo ng Infanta Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Quezon Police Provincial Office, Regional Intelligence Division, Criminal Investigation and Detection Office, Highway Patrol Group, Quezon Maritime Police Office, Provincial Crime Laboratory Office at Quezon Provincial Mobile Force Company, sa nasabing kaso.

Matatandaan, ang SITG ay mabilis na binuo ng pulisya alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police chief, Gen. ­Dionardo Carlos kay Calabarzon Police Director Brig. Gen. Antonio Yarra, isang araw makalipas ang pananambang kay America sa Poblacion ng nasabing bayan, ilang sandali matapos nitong magsimba kasama ang isang staff at driver.

Samantala, marami rin umanong mga Infantahin ang naniniwala na posibleng ginaga­mit lamang ni Quezon Governor Danilo Suarez si America upang
sirain naman ang imahe ng kanyang katunggali sa pulitika.

Ito ay dahil sina Escueta at Ruanto ay kapartido at masugid na tagapagtaguyod ng kanyang katunggali sa 8 bayan ng Northern Quezon na kinabibilangan ng 3 coastal towns at 5 island municipalities.

158

Related posts

Leave a Comment