IMMIGRATION AIRPORT CHIEF, BANTAY SALAKAY?

INAKUSAHAN ng pag-abuso sa kapangyarihan ang hepe ng Bureau of Immigration – Port Operations Division (BI-POD) na si Atty. Carlos Capulong ng ilan nitong mga tauhan sa airport matapos umanong utusan ang mga ito na huwag harangin ang pagpasok sa bansa ng ilang Chinese nationals kahit ilegal ang dokumento ng mga ito.

Ayon sa isang text message na sumbong na ating natanggap, noong July ay tinawagan umano ang isang immigration supervisor na on duty na si Immigration ­Officer Paolo Cristobal upang hindi ilagay sa exclusion ang ilan sa 44 Chinese nationals na ­dumating sa Terminal 1 ngunit ­dahil sa pagiging tapat sa ­tungkulin ay ipinatupad nito ang kanyang trabaho dahil sa kahina-hinala ang DFA travel exemption nito.

Kabilang sa mga hinarang umano ni Cristobal ay sina “YU WEI”, passport #EA2370563 at “HOU XIAOLIU”, passport #PE2122218 na ikinagalit umano ni Capulong dahil hindi sinunod ang kanyang instruction.

Dahil dito ay pinag-initan umano si Cristobal at pati ang kanyang kasamahan na sina ­Immigration Officers Villablanca at Triguero at inilipat ng shift.

Aba, bakit ganito, martial law na ba sa airport at kung sinong hindi susunod sa baluktot na gawain ay parurusahan? BI ­Commissioner Jaime Morente at DOJ Secretary Menardo Guevarra Sir! Akala ko ba malinis itong ­inilagay n’yo sa airport?

Maging ang pagpili umano ng promotion sa airport ay tila minamanipula upang ilagay ang kamag-anak at bata ng tiwaling opisyales dito.

Kabilang umano sa ginawaran ng ‘Supervisor of the Year’ ay ang technical ­assistant ni Capulong kahit hindi naman ito nag-duty?

Gaano rin kaya katotoo na si Capulong din ang lumakad upang makapasok sa bansa at mabawi ang exclusion order ng REO JHM-2021-398 o ­Recall of Exclusion Order ng tatlong ­Chinese nationals na sina “HUANG MANLAN dob-August 6, 1990, “CHEN CHEN” dob-May 10, 1984 at “WANG XIAYOU ­dob-October 29, 1999? Ang mga ito umano ay hinarang sa airport dahil sa kahina-hinala ang kanilang ipinakitang dokumento upang sila’y makapasok sa bansa. Ang tanong, MAGKANU?

Abangan sa susunod ang ilan pa sa ating ibibisto na kalokohan sa airport.

Para sa patas na pamamahayag ay binibigyan natin ng pagkakataon na masabi ang kanilang palusot este kanilang side sa akusasyong ito ng mga nabanggit na pangalan.

Maaaring i-text ninyo ako kung kayo’y may Sumbong at Reaksyon sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

80

Related posts

Leave a Comment