IMMIGRATION SA CLARK AIRPORT, SABIT NA NAMAN!

BISTADOR Ni RUDY SIM

HINDI pa man nakababangon ang Bureau of Immigration sa bangungot na idinulot ng maruming laro ng pulitika ay muling idinadawit ang ilang mga tauhan ng BI na responsable umano sa ilegal na aktibidad dito partikular ang pagpapalusot ng ilegal na mga pasahero na nais magtrabaho sa ibang bansa nang walang kaukulang working permits.

Kamakailan lamang ay ating ibinisto ang katiwaliang nangyayari umano sa Clark International Airport na inalmahan ng mas maraming kawani ng ahensya na ang nais ay maibangon ang karangalan at malinis laban sa tiwaling mga opisyales na nagpapayaman sa kanilang sarili gamit ang kanilang puwesto.

Isang alias “Notary Public” na tauhan ng BI-Clark ang ibinulong sa atin na napakalakas ng loob, ang nasa likod diumano ng pamamasahero kapalit ang malaking halaga. Kabilang na dito ang biyaheng Singapore at Malaysia kung saan talamak ang bentahan ng laman na isa sa mahigpit na binabantayan ng ating Immigration officers dahil sa kanilang pagkapit sa patalim na isa sa malaking bilang ng mga problema ng ating pamahalaan.

Naging talamak na umano itong si “Notary Public” sa kanyang ilegal na gawain dahil sa basbas ng ilang opisyales ng CIA at BI main office. Daig pa umano nito ang matatagal nang opisyales dahil sa kanyang lifestyle na hindi naman nito itinatago at lantarang ipinagyayabang ang kanyang luxury cars, maging ang kanyang mansion sa Cavite.

Matapos ang whistleblower na nagsiwalat sa umano’y Pastillas scheme sa airport, ay tila sakit na naman ng ulo ngayon ng BI dahil sa paglutang ng isang indibidwal na nagsiwalat sa umano’y modus ng sindikato sa CIA kung paano isinasagawa ang pagpapalusot ng OFWs na idinetalye kung saan dadaan ang mga pasahero na wala nang interview at pagbusisi sa kanilang travel documents at tinatatakan na lamang ang mga passports nito base sa nakatimbreng pangalan sa bawat counter ng Immigration.

Kasunod nito ay naglabas ng press release ang ahensya na sinibak na sa puwesto ang dalawang Immigration officers na nakatalaga sa Clark dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa human trafficking at ilan pang ilegal na aktibidad sa airport, habang isailalim ang mga ito sa internal investigation ng BI.

Hmm…teka! Sa dami ng ganitong mga kaso na hinawakan ng Admin at ng Board of Discipline ay mayroon na bang tuluyang nasibak o ito’y tinulugan lamang at kinunsinte? ‘Di ba, RPL? Anyare?

Kung nais talaga ng ahensya na mabago ang baluktot na kalakarang nangyayari sa airport ay bakit kaya hindi muna pinalitan dito ang hepe na si Maan Lapid na anak ng Senador at aktor na si Lito Lapid habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

42

Related posts

Leave a Comment