IN DENIAL PA RIN

BAGWIS

Kahapon ay pinanindigan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na siya ay magku-commute papasok sa Malakanyang upang patunayan umano na walang transportation crisis.

Magmula Marikina ay nag-jeep ito hanggang Cubao at mula Cubao naman ay sumakay ito sa LRT-2 bago umangkas sa motor hanggang sa kanyang opisina.

Inabot ito nang halos apat na oras papunta pa lang sa kanyang opisina samantalang hindi pa siya dumaan sa EDSA.

Ngunit sa halip na magkaroon siya ng self-realization sa araw-araw ng sakripisyo ng ating mga kababayan ay lalo pang ipinagyabang na walang transportation crisis dahil nakarating naman umano sa kanyang destinasyon. Aniya, may transportation crisis kung may maituturing na paralysis sa ating mga kalsada. Kinakailangan lang umano ay magkaroon ng maayos na time management at agahan ang pagpasok sa ating mga opisina.

Kung balikan ay walong oras ito na katumbas na ng byahe mula Manila hanggang Vigan sa North o Naga sa south. Ang walong oras na ‘yan ay maaari na sanang gugulin para sa ibang mas makabuluhang mga bagay lalung-lalo na sa pag-aaruga sa ating pamilya. Napakarami ngayon sa ating mga kabataan ang napapabayaan ng kanilang mga magulang dahil wala na halos oras ang mga ito upang mag-bonding.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit in denial pa rin ang Malakanyang tungkol sa ating krisis sa transportasyon. Kung ako ang mag-iisip kung paano ito tutugunan ni Sec. Panelo ay mas maiging aminin, tanggapin at ipaliwanag na mabuti sa ating mga mamayan kung anu-ano ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang ito ay masolusyunan.

Paano natin aasahan na makikisama ang mamamayan sa mga kahilingang makiisa upang maibsan ang ating problema sa traffic kung pinagpipilitan ng Malakanyang na wala naman palang transportation crisis? Paano natin aasahan ang Kongreso na aksyunan agad ang mga panukalang mabigyan ng dagdag na kapangyarihan ang ating Ehekutibo kung ang posisyon nito ay wala naman palang problema na kailangan ayusin?

Kung inamin na lang sana ni Secretary Panelo ang tunay na estado ng ating transportasyon ay hindi na sana nito kailangang pumatol sa mga “Commute Challenge’ ng mga sulsol. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

376

Related posts

Leave a Comment