SA nakalipas na mga taon, karaniwang bahagi ng plano ng maraming Pilipino ang paglaboy sa tuwing sasapit ang tag-init – may mga nais dumayo sa malayong probinsya sa hangaring makalanghap ng sariwang hangin, masdan ang nakamamanghang kalikasan at ang pagtatampisaw sa tubigan.
Pero tila kakaiba ang panahon ng tag-init ngayong taon. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), higit pa sa inaasahan ang init factor ngayon kumpara sa nakalipas na mga panahon.
Sa mga karatig bansa sa Asya, naglalaro na sa 40-50 degrees Celsius ang temperatura, habang ang abiso naman ng mga dalubhasa mula sa pribadong organisasyon, papalo sa 55% ang humidity (alinsangan) sa Pilipinas.
Ano nga ba ang mga peligrong kalakip ng tag-init? Ayon sa Department of Health (DOH), karaniwan ang heat stroke sa mga senior citizen at immunocompromised na indibidwal. Pasok din sa talaan ang dehydration, sakit sa balat, pagkabulag at iba pa.
Ang totoo, walang magagawa maski ang gobyerno sa lagay ng panahon. Gayunpaman, may mga paalala ang DOH para hindi maapektuhan ang ating kalusugan.
Kabilang sa payo ng naturang departamento ang pananatili sa bahay sa mga oras na tirik ang sikat ng araw, pagdadala ng payong na pananggalang sa matinding init, maya’t mayang pag-inom ng tubig, paggamit ng sunblock, at iba pa.
Sa mga dadayo sa malayong lalawigan para sa bakasyon, iwasan muna ang pagtatampisaw sa mga karagatang apektado ng oil spill.
Mainam din kung magdadala ng first aid kit sa biyahe.
Sa madaling salita, ibayong ingat para sa lahat. Mas mainam na maging maingat kaysa malagay sa peligro.
