INTRIGA KINA AZURIN AT SERMONIA NAKAUGNAY BA SA PAGRERETIRO NI ACORDA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SUMIKLAB ang pukulan ng akusasyon at depensa ng ilang matataas na opisyal ng pambansang pulisya hinggil sa insidenteng deportation mula Canada. Ang resulta: umukit ito ng magkasalungat na impormasyon sa social media at ibang larangan ng pamamahayag.

Kamakailan, nabalitang naharang si dating Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., pagdating sa Canada.

Si Lt. Gen. Rhodel Sermonia na dating kaklase ni Azurin sa Philippine Military Academy, ang pinaghihinalaang pinagmulan ng impormasyon tungkol sa kanyang umano’y deportasyon sa Canada.

Sa ulat, si Azurin ay nagtungo sa Canada para sa personal na biyahe at siya ay kusang umuwi makaraan ng insidente.

Itinanggi ni PNP Deputy Chief Sermonia ang pagsasapubliko ng impormasyon tungkol sa umano’y pagpapa-deport kay Azurin.

Ang gobyerno naman ng Canada ay nagpahayag ng kanilang panghihinayang sa maling komunikasyon pero hinihintay pa ng Department of Foreign Affairs ang opisyal na pahayag mula sa Canadian Embassy.

Balik tayo kina Azurin at Sermonia. Ang una ay nagretiro noong Abril 24, 2023 habang ang huli, ang No. 2 man, ay aabot sa mandatory retirement age sa Enero 26, 2024.

Magkaklase pala ang dalawa sa Philippine Military Academy – Makatao Class of 1989. Tila napatid ang mahigpit nilang kapatiran dahil sa isyu.

Magkapatid din ang naging asawa nila. In other words, magbilas sila.

Ika nga, mas matimbang ang pamilya o kamag-anak, ngunit mas malakas ang katapatan kaysa dugo. Ganun nga pero bakit umabot sa publiko ang kanilang komento?

Usok lang ba ito ng panibagong kalkalan ng mga natatagong usapin? Sapantaha lamang ba na maaaring may umusbong na kontrobersya habang nalalapit ang pagreretiro ni Chief PNP Benjamin Acorda sa Disyembre?

Tsismis lang ba ito? Tsismis na nakakainis kung mula ito sa hanay ng ilang matataas na opisyal ng pulisya. Makokompromiso kasi nito ang integridad ng organisasyon na binubuo ng 227,000 police force.

Sana, sa sinoman naghahangad o may pinupuntirya na maging kasunod na hepe ng PNP ay mahalaga na taglayin nila ang katangian ng opisyal ng pulisya na may integridad, empathy, team orientation, kakayahang umangkop, at may mabuting komunikasyon. Ipabatid sa madla ang mga nagawa sa serbisyo ng isang opisyal na naipatupad ang kapayapaan at kaayusan, at kasiguruhan ng kaligtasan ng publiko.

Iyan ang hinahangad ng sambayanan kaya kung sino ang sumungkit sa puso at isipan ng mga tao ay siyang wagi sa labanan.

56

Related posts

Leave a Comment