ITO ANG TOTOO ni Vic V. VIZCOCHO, Jr.
NAKAILANG-ULIT na natin pinupuna ang mga maling nagaganap sa mga lansangan, lalo na sa mga highway pero halos walang pagbabago, kung may aksyon man, lumalabas lang na pakitang-tao.
Ito Ang Totoo: nito lamang nakaraang Hunyo 2022, binigyang diin ni noo’y Dept. of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang “ban” o pagbabawal sa mga tricycle at pedicab sa highway sa pamamagitan ng Memorandum Circular (MC) 2020-036.
Ipinataw ng DILG sa mga ulo ng Local Government Units (LGUs) ang responsibilidad sa pagpapatupad nito.
Ito Ang Totoo: kaya may patakaran at regulasyon sa mga daan o lansangan ay upang maging ligtas, maginhawa at kapaki-pakinabang ito para sa lahat ng mamamayan, hindi ng iilan.
Ang daan ay ginagastusan ng pamahalaan mula sa kaban ng bayan dahil bahagi ito ng serbisyo para sa tao, para sa daloy ng mga produkto mula at patungo sa kanayunan at kalunsuran at iba pang bahagi ng komunidad kung hindi ng bansa, at siyempre para sa kaginhawahan ng pamumuhay ng mamamayan.
Kapag ang daan ay ginamit para sa ibang bagay o sa maling paraan, perhuwisyo ang dulot, kung hindi sa ari-arian, sa buhay mismo ng mga tao, maaring sa sarili kung hindi sa kapwa.
Ito Ang Totoo: bukod sa lumalabag na sa pagbabawal ng DILG MC2020-036 sa tricycle sa highway, marami sa mga ito ang pumapagitna pa sa “fast” o “overtaking lane”, kaya hindi lang lumilikha ng pagbagal ng daloy ng trapiko, marami nagreresulta pa sa aksidente.
Kapag inilawan o binusinahan bilang tawag-pansin na paki-tabi naman, galit pa ang mga kamote, gaganti rin ng busina kahit manipis o tunog ipis.
Ito Ang Totoo: may mga bayang wala talagang daan para sa mga tricycle kundi ang “highway” kaya napipilitang payagan sila ng lokal na pamahalaan.
Pero kasama sa MC 2020-036 ng DILG ang pag-atas sa mga LGU na gumawa ng imprastraktura para sa mga tricycle.
Iyon nga lang, hindi nagsipagtalima ang LGU kaya hanggang sa kasalukuyan nananatili ang problema.
Marami na ang namatay, bata, matanda, lalaki o babae dahil sa mga tricycle na wala sa tamang lugar o daan kaya dapat na itong seryosohin ng pamahalaan habang malayo-layo pa ang halalan kung boto ang kanilang kinatatakutan, Ito Ang Totoo!
