INVENTORY NG MGA PUNO, LATIAN, BAKAWAN, PANIKI AT IBA PA SA SUBIC BAY

NAPAKAGANDA, walang duda, ng Subic Bay, kasama na ang kapaligiran nito, lalong-lalo na ang bahagi na dating sakop ng Base Naval ng mga Amerikano hanggang 1992.

Ito Ang Totoo: na-preserba ang Subic sa panahon ng base ng mga Amerikano dahil limitado ang galaw sa loob ng base militar, at hindi basta magalaw ang kalikasan, mapa-puno, hayop, dagat, at iba pa.

Bukod sa ganda, importante rin ang pangangalaga sa kalikasan para sa kapakanan ng ­mamamayan, at mundong ­ating ginagalawan, ngayon at sa kinabukasan.

Ito Ang Totoo: pag-alis ng mga Amerikano, nagsimula nang magalaw ang mga latian o wetlands kung saan naroon ang mga bakawan.

Ginawa na kasing yarda ng mga used truck at heavy equipment traders na may dala pang mapanganib na mga kemikal na nakasisira sa kalikasan, tulad ng langis, asbestos, etc. Malaking bahagi rin ang ginawa nang mga “warehouse” o bodega.

Pati ang mga puno sa tina­tawag na “Virgin Forest” ay nangangawala na, halimbawa sa bahagi ng ginawang ­malaking ­gusali para sa noo’y pabahay sa mga Koreanong opisyales ng ngayo’y bangkarote nang Hanjin Shipyard.

Kahit sa may Kalayaan, Binictican at Cubi Housing areas ay kita ang pagkawala ng maraming puno sa iba’t ibang dahilan, kapwa gawa ng tao at kalikasan.

Ito Ang Totoo: pati ang mga naglalakihang paniki na bukod sa atraksiyon kapwa sa mga turista at lokal na residente ay hindi na rin kasing dami tulad ng dati kapag nagliliparan tungo sa kanilang “feeding grounds” tuwing dapit-hapon at pabalik naman bago pa sumikat ang araw.

Hindi maitatatwa na ang mga paniki ay may ginagampanan ding papel sa balanseng ekolohiya (ecosystem) at kapaligiran.

Ito Ang Totoo: sa pag-upo ng bagong Chairman at ­Administrator ng Subic Bay Metropolitan ­Authority (SBMA) Rolen C. Paulino, maaaring magkaroon ng ibayong pagtuon ng pansin sa pangangalaga ng ekolohiya at ­kapaligiran ng Subic Bay Freeport Zone.

Una sa lahat ay maaaring ipa-imbentaryo ni Chairman Paulino ang natitira pang bakawan at latian, ang bilang ng mga paniki at puno, at tukuyin ang nawala na mula nang umalis ang mga Amerikano.

Marapat din na alamin ang panahon kung kailan nangawala ang mga bakawan at latian, paniki, mga puno at matumbok ang mga may kinalaman, kapwa sa loob at labas ng hanay ng mga opisyales ng SBMA.

Ito ang isang magandang hakbang na maaaring magawa ni Chairman Paulino bilang taga­taguyod ng pangangalaga ng kalikasan. Sana gawin niya. Ito Ang Totoo!

403

Related posts

Leave a Comment