IRESPONSABLENG PALUSOT

SA halip na remedyo, puro palusot ang tugon ng Department of Health (DOH) sa pagkasira at napipintong pagkapanis ng mga bakuna kontra COVID-19 na binili ng gobyerno gamit ang pondong mula sa buwis na pinuhunanan ng dugo at pawis ng mamamayan.

Sa isang pulong-balitaan, buong pagmamalaki pang sinabi ni Undersecretary Rosario Vergeire na tumatayong tagapagsalita ng DOH, na wala pang 10 porsyento ng kabuuang bilang ng mga bakunang tinustusan ng pamahalaan ang napanis sa cold storage facilities.

Ilan na nga ba ang bakunang binili ng pamahalaan? Sa pagtataya ng mga kritiko, mahigit 200 milyong doses ng COVID-19 ang dumating sa bansa – kabilang ang mga donasyong dumaan sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).

Sa presyong P600 per dose, lumalabas na P120 ­bilyon ang kabuuang halaga ng mga dumating na bakuna. Sa 10 porsyentong nasira, tumataginting na P12 bilyon ang nauwi lang sa wala – hindi dahil sa ayaw ng mga taong magpaturok kundi dahil sa malabnaw na pangungumbinsi ng gobyerno.

Hanggang saan ba ang maaabot ng P12 bilyon?

Ang nasabing halaga ay sapat para bilhan ng tig-iisang sako (50 kilo) ng bigas ang 60,000 Pilipino. Sapat din ang nasabing halaga para makapagpatayo ng simpleng bahay para sa 1.2 milyong pamilyang Pilipino.

Hindi wastong sabihin ng naturang departamento na “wala pang 10 porsyento” ang nasayang na bakuna. Sa isang banda, hindi maiiwasan ang ganung pahayag lalo pa’t kailangang pagtakpan ang kapalpakan – kundi man kapabayaan ng pamahalaan sa pagsusulong ng malawakang pagbabakuna laban sa pandemyang sukdulang tinabunan ng napipintong halalan.

Ang siste, pilit pang pinagtatakpan ang kapalpakan. Ani Vergeire, wala raw sa kanila ang problema kundi sa ­storage facilities at mga suliraning sinagupa ng pamahalaan sa proseso ng pamamahagi ng mga napanis na bakuna.

Narito ang eksaktong pahayag ni Vergeire — “Right now, when we did our wall-to-wall inventories, we could see that only about less than 10% of what we have right now had been wasted and this is not because of expired vaccines, but because of the storage, the distribution, and other logistical issues.”

Bukod sa napanis na bakuna, may 27 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang nanganganib na mauwi rin sa basurahan kung hindi gagamitin ng pamahalaan sa ­nalalabing “eligible population” na una nang tinukoy ng departamentong pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque.

113

Related posts

Leave a Comment