RAPIDO NI TULFO
ISA na namang nakahihiyang insidente ang nangyari sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) kamakailan lamang.
Sa video na inilabas sa social media account ng isang Thai national na kinilalang si Piyawat Gunlayaprasit, nakunan nito ang pagkuha ng pera sa wallet ng isang empleyado ng Office of Transport Security (OTS) at pagpasa nito sa isa pa niyang kasama. Ang biktima ay ang kanyang kababayang si Kitja Thabthim na paalis noon sa bansa papuntang Japan.
Ayon sa panayam kay Thabthim, dumaan siya sa security check bago ang kanyang flight at kinutuban na raw ito nang ibalik ang wallet sa kanya and upon checking, nakita nga nitong nawawala na ang kanyang baon na 20,000 yen na katumbas ng P8,000 sa pera natin.
Sa ikalawang video, nakita at narinig na sinabi ni Kitja sa security screening officer (SSO) na ibalik na lang ang perang kinuha nito. Nakunan din ang pagsasauli ng pera ng isa pang empleyado rin ng OTS sa biktima, kung saan maririnig din ang tinig nito na nagmamakaawa sa kumuha ng video na burahin na lang ito dahil pito ang kanyang anak.
At dahil nga sa pangyayari, sinabi ng Thai tourist na hindi na muna ito babalik sa Pilipinas matapos ang pinagdaanan sa kamay ng mga empleyado ng OTS na ang designasyon ay “security officers” pa man din.
Ayon sa report, ang apat sa limang empleyado ng OTS ay pawang mga “job order staff” na nagsimula lang magtrabaho sa paliparan nito lang nakaraang taon. Habang ang isa naman ay contractual employee na limang taon nang nagtatrabaho doon.
Sinabi ng OTS sa isang pahayag na kanila nang sinibak sa pwesto ang lima at ang mga ito ay mahaharap din sa kasong administratibo matapos na mag-viral ang video. Hindi naman pinangalanan ng opisina ang lima.
Sa akin namang panayam sa aming kasamahan sa DZME na si Tony Gildo, na naka-assign sa NAIA, sinabi nito na walang kadala-dala ang ilang tiwaling empleyado ng paliparan. So, ang ibig sabihin ni Tony ay ilang beses nang nangyari ito.
Ang tanong natin dito ay bakit wala pa ring CCTV camera sa naturang lugar gayong may mga insidente na palang ganito. Sinabi nito na inaayos pa lang ng Department of Transportation (DOTr) ang pagkakabit ng camera, my goodness! Ngayon pa lang lalagyan ng camera?!
Kaya pala ganun na lang kalakas ang loob ng mga empleyado na gumawa ng katiwalian kasi nga ‘di naman sila nakikita.
