ISANG ARAW PARA SA IYO, ARAW-ARAW PARA SA MGA ORDINARYONG TAO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

UMANI ng sari-saring reaksyon ang deleted na ngayong post ni 4th District of Leyte Rep. Richard Gomez tungkol sa naranasan niyang traffic sa EDSA.

Sa isang Facebook post, nagtanong si Gomez tungkol sa paggamit ng bus lane, sinabing iilan lamang ang mga bus na gumagamit nito.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang kongresista sa pagkakaipit sa traffic sa pangunahing lansangan ng Metro Manila. Ipinaliwanag pa niya na nalolokohan lang siya na sa sobrang traffic ay hindi gaanong nagagamit ang bus lane kapag kailangan ito tulad noong panahong iyon.

Alam kong nakasakay na siya sa pampublikong sasakyan dati, ngunit marahil sa sobrang pribilehiyo na magkaroon ng maraming sasakyan sa halos lahat ng bahagi ng kanyang buhay, nabulag na siya upang hindi makita ang katwiran sa likod ng bus lane.

Ang ideya ng bus lane ay hikayatin ang mga pasahero na gumamit ng pampublikong sasakyan para mabawasan ang pagsisikip sa kalsada. Kaya kahit buksan mo ang lane na iyon, hindi ito magpapagaan ng trapiko. Ito ay lilikha lamang ng isa pang masikip na daanan. At least, kapag gumagana ang bus lane, mas maraming commuter ang nakauusad at makauuwi agad.

Sa totoo lang, bare minimum na nga lang ang ibinibigay sa pampublikong commuters. Ang mga pribadong sasakyan ay mayroon nang 3 lanes at malayang gamitin ang pangalawang kalsada habang ang malaking bilang ng mga commuter ay dumaraan sa iisang bus lane na may isang tiyak na ruta.

Kadalasan, ang pinakamataas na dami ng mga sasakyan sa trapiko ay kapag maraming tao ang gumagalaw halos kasabay ng pagkatapos ng oras ng opisina o papasok sa trabaho. Ang pribilehiyong ibinibigay sa mga taong may komportableng pribadong sasakyan na may kapasidad na 5-6 na tao bawat sasakyan, ay ang paggamit nila ng 3-4 na lanes ng kalsada.

Samantala, ang commuters na nakasakay sa masikip na bus, kadalasang may lulang higit sa 50 katao, ay nagkakaroon ng access sa isang mabilis na gumagalaw na solong lane. Kaya mamili ka, gusto mo bang sumakay sa komportableng sasakyan o sumabay sa may higit 50 katao na bus na may mahinang aircon. Kapag minalas ka pa at walang maupuan, buong biyahe kang nakatayo at palaging mababangga dahil may dumaraan na pababa o pasakay.

Kung sino pa iyong mga komportableng nakaupo sa pribadong may aircon na sasakyan, iyon pa talaga ang malalakas ang loob na magreklamo. Paano nila mauunawaan ang pangangailangan ng pagpapabuti ng mass transportation kung sarili lang nilang kaginhawahan ang nakikita nila. Ang naranasan nila ay tipikal na pinagdaraanan ng ordinaryong Pilipino sa araw-araw nilang pag-commute.

Anoman ang oras o araw o sitwasyon ng trapiko, ang bus lane ay dapat na eksklusibo sa mga pampublikong bus lamang.

Kung ang isang public servant ay gustong magkomento sa trapiko, dapat ay handa siyang sumakay sa pampublikong sasakyan araw-araw. Kung nararanasan niya ang trapik na dinadaanan nating mga ordinaryong mamamayan sa pagpunta at pag-uwi sa trabaho, baka makagawa pa siya ng mas magandang solusyon kaysa sinasabi niya.

Ito ay isang klasikong lohika ng utak ng taong may kotse na isipin na sa isa pang lane ay malulutas ang trapiko. Ang buong bansa ay napuno ng walang anoman kundi mga daanan ng mga sasakyan, ngunit ang trapiko ay mas malala kaysa dati. Kailan malalaman ng mga taong ito na kailangan natin ng mga pavement para lakaran, tren o bus na masasakyan, bicycle lane at iba pang mga opsyon?

31

Related posts

Leave a Comment