NAIS papurihan ng SALA SA INIT … SALA SA LAMIG ang Philippine Sportswriters Association sa minsan pang pagkilala sa mga atletang Pilipinong nagbigay karangalan sa bansa sa halos lahat ng sporting arena sa mundo noong 2021.
Ang PSA ang kaisa-isang grupo, simula nang itatag ang organisasyon noong 1949, ang hindi nakalilimot parangalan ang mga atletang Pinoy na nagpapakita ng husay sa local at world sports.
Maliban noong magdeklara ng Martial Law sa Pilipinas, walang sawa ang PSA sa pagsuporta sa ating mga atleta, lalo nang muling buhayin ang PSA noong 1981 ng mga haligi sa sports media gaya nina Tony Siddayao, Gus Villanueva, Teddy Benigno, Andy del Rosario, Mike Genovea at ilan pang mga kasama sa panulat.
Noong nakaraang taon, sa kabila ng COVID-19 pandemic ay namayagpag ang mga atletang Pinoy at ipinamalas sa iba’t ibang mga bansa na tunay na palaban ang Lahing Kayumanggi na pinatunayan nila sa Tokyo Olympics, na tinaguriang “The Greatest Sports Show on Earth.” Dito ay tuluyang pinutol ni weightlifter Hidilyn Diaz ang 97 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya nang magreyna sa kanyang dibisyon. Maliban sa Olympics gold medal ni Hidilyn, tatlong boksingerong Pinoy ang nag-uwi ng tatlo pang medalya – dalawang silver kaloob nina Nesthy Petecio at Carlo Paalam at isang bronze mula kay Eumir Marcial.
Isama pa ang muntikan nang bronze finish ni gymnast Caloy Yulo sa vault event, at pang-11 puwesto ni pole vaulter Ernest John Obiena, na dahilan para maging ‘Best Southeast Asian Nation In the Olympics’ ang Pilipinas. At kaya malabis na kinikilala ng PSA ang pambihirang accomplishment ng ating mga pambansang atleta.
Sa PSA at sa pamunuan nito, sa pangunguna ng kasalukuyang pangulo nito at inaanak kong si Rey Lachica na sports editor ng pahayagang Tempo: MARAMING SALAMAT SA INYO AT NAWA’Y IPAGPATULOY PA NINYO ANG PAGTUPAD SA ATING SINUMPAANG PANGAKO NA TULUNGANG PAUNLARIN ANG SPORTS SA BANSA AT ATING MGA ATLETA!
Dalawang taon mula ngayon ay sasabak na naman ang ating mga atleta sa ika-100 taong paglahok ng Pilipinas sa Olimpiyada.
Sama-sama nating ipagdasal na mas mahigitan pa nila ang natamong tagumpay sa Tokyo, sa darating na Paris edition sa 2024.
139