ISIPIN KALIGTASAN NG PUBLIKO

ANG pahayag ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards ng Department of Agriculture (DA) na ligtas kainin ang frozen eggs ay lalong humikayat sa publiko na tangkilikin ang produkto.

Walang dapat ipangamba ang publiko kaugnay sa pagbili ng frozen eggs sa mga palengke, ngunit inirerekomenda ng DA na ilagay sa cold storage ang mga itlog upang mapahaba at mapaganda pa ang kalidad nito, at posibleng abutin ng hanggang 12 buwan ang kalidad ng isang itlog kung nasa maayos na cold storage ang gagawing pag-iimbak.

Walang nakikitang problema ang DA sa kabila ng naunang babala ng Department of Health sa peligro ng pagkain ng frozen eggs dahil may posibilidad na kontaminado na ito ng salmonella o E. Coli bacteria.

Nagbabala rin ang Philippine Egg Board Association hinggil sa pagbili at pagkain ng frozen eggs mula sa basag na itlog dahil sa banta nito sa kalusugan at hindi naaayon sa pamantayan.

May mga pasubali sa pagbili at pagkain ng frozen eggs, ngunit ang hindi unipormadong pahayag ng mga ahensya kung ito ay ligtas kainin o posibleng banta, ay magbibigay sa publiko ng alinlangan.

Gayunman, ang sentrong atensyon ng mamimili, lalo ang hikahos, ay ang abot-kayang presyo ng frozen eggs.

Dito sila sa mas mura, at habang wala pang mga kaso ng masamang epekto o panganib nito sa kalusugan ay mas gugustuhin ng mamimili na tangkilikin ang frozen eggs.

May mga nagsasabi na malinis ang frozen eggs dahil binabasag sa farm ngunit, ayon sa mga eksperto, kapag tinanggal ang itlog sa shell ay may posibilidad na maging kontaminado ang humahawak at puwedeng mailipat sa itlog ang dumi.

Kailangan nasa cold chain ang itlog upang mapahaba at mapaganda ang kalidad nito, subalit ang proseso bago ilipat ang mga ito sa cold storage ay maaaring maging dahilan ng kontaminasyon.

Hindi maiiwasan ang pagbili at pagkain ng frozen egg kaya kailangan na maigi ang pagkakaluto nito para hindi umano masyadong delikado ang tao sa mikrobyo, at siguruhin muna na malinis ito at walang masamang amoy.

Hindi masama ang maghanap ng murang alternatibo sa pagbili ng itlog.

Pero dapat bang unawain ang mamimili na ikonsumo ang frozen eggs kung ang nakataya ay ang kaligtasan at kalusugan ng kostumer at ng pamilya?

Hindi nakasalang dito ang diskusyong matibay ang sikmura dahil kapag dumapo ang sakit ay lalong bibigat ang buhay.

Tandaan: Mahal magkasakit.

131

Related posts

Leave a Comment