Istriktong protokol ipatutupad sa pagbabalik ng PBA

Ni EDDIE ALINEA

ANG pagkatuloy ng 46th Season ng PBA ay nakasalalay pa rin sa istriktong pagsunod ng 12 miyembrong koponan sa itatakdang mga bagong protokol ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Ito ang nakapaloob sa mensaheng ipinadala ni PBA Commissioner Willie Marcial kahapon hinggil sa pagbibigay permiso ng IATF-MEID para makapag-ensayo na ang teams bago magsimula ang season sa Hunyo. Plano ng liga na magsagawa ng dalawang conference ngayong taon.

Ipinarating ni Kume ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng isang zoom meeting sa mga coach at ream managers ng bawat koponan.

“After we got the government’s nod on the planned ­training return of the ball clubs, it’s really up to the individuals now to stay protected, which is the key to getting IATF’s approval on the league’s planned Season 46 kickoff in mid-June,” paliwanag ni Marcial.

“We need cooperation ng lahat at super na pag-iingat. Ito ang daan para makabalik ang liga sa laro. And so, nasa kanila talaga kung gusto nilang makabalik na,” giit niya.

“We have strict protocols. We’ll have our random visits in practice venues. But of course, hindi naman natin mababantayan ang kilos ng lahat lalo na pag nasa labas na ng practice,” dugtong niya.

Ang PBA ay naghanda na aniya ng istriktong protokol at mas mahigpit na parusa sa mga hindi makasusunod o lalabag sa mga ito.

“Inaprubahan na ni Games and Amusements Board (GAB) chair Baham Mitra ang mga bagong guidelines during their meeting last Saturday and Sunday,” pagbabahagi ni Kume.

Ang GAB ay kasama ng Department of Health at ­Philippine Sports Commission sa isang lupon na lalagda sa Joint Administrative Order (JAO) para masimulan na ang PBA team workouts.

Pinayagan na ang league teams na maglunsad ng mga aktibidad, kabilang ang 5-on-5 scrimmages sa mga lugar na nasa ilalim ng General ­Community Quarantine o Modified GCQ.

Hinihintay pa ng PBA ang magiging quarantine status ng NCR Plus area pagkaraan ng May 14 timeline.

“If ever bumaba ang status sa NCR, maghihintay pa rin tayo ng ilang araw for approval since we have to write a letter and wait for the response. An option is to hold practices in Batangas while waiting for the NCR approval,” saad ni Marcial.

42

Related posts

Leave a Comment