ISYU SA KALUSUGAN ANG DAPAT UNAHIN

MAGING WAIS KA

Buhay na buhay ang social media nitong nakaraang linggo matapos ang isang kontrobersyal na hiwalayan sa showbiz.

Habang aktibong nagkokomento at sumusubaybay ang maraming netizen sa hiwala­yang ito, dalawang public health concerns ang kinakaharap ng ating bansa: pagtaas ng kaso ng dengue nito lamang buwan ng Hulyo na umabot sa higit na 600 ang namatay sa dengue. Habang naghahanap din ng solusyon ang gobyerno sa pagkalat ng tigdas.

Para sa mga Tsismatic, talaga bang mas magandang subaybayan ang mga hiwalayan kaysa ang pampublikong kalusugan na seryosong problema?

Kailan lamang nagdeklara ang Department of Health na kasalukuyang national epidemic na ang dengue. Ang epidemiya ay mabilisang pagkalat ng isang sakit na sa kaso ng dengue ay mabilis ang pagtaas ng bilang ng nagkakaroon nito. Ang deklarasyon ay para makatulong nang mabilis ang pagtugon ng mga ahensyang kinakailangan laban sa epidemiya.

Kasabay ng pag­dedeklara ng maraming ahensya ng gobyerno, paaralan, non-government organization, at mga korporasyon ang nakiisa sa pagkakaroon ng information drive upang mabigyan ng kaalaman ang publiko tungkol sa dengue. May apat na klase nito at maaaring magkaroon nito ng higit pa sa isang beses. Kapag ang isang tao ay nakaranas na ng dengue, ang ikalawa hanggang ikaapat ay maaaring maging mas malubha.

Ang sintomas nito ay lag­nat na may kasamang pagsa­kit ng ulo, pananakit ng mata at kasu-kasuan, pagpapantal, maging pagdurugo ng ilong o ng mga gilagid. Ang sino mang nakararanas nito ay magtungo agad sa doktor o sa pinakamalapit na health center.

Hindi makatutulong ang pagse-self medicate kung nararanasan ang mga sintomas ng dengue. Mas sigurado at ligtas pa rin ang pagkonsulta sa doktor. Makatutulong din na linisin ang kapaligiran lalo na ang mga lugar na may naimbak na tubig na maaaring pamugaran ng mga lamok. Hinihikayat din ang pagsusuot ng mga mahahabang damit upang matakpan ang balat at ang paglalagay ng mga mosquito repellant na produkto.

Dahil sa bigat ng problema sa dengue maging ang Malacañang ay tila kumbinsido na ring ibalik ang pagbibigay ng injection ng Dengvaxia sa mga batang edad 9-16 years old na nagkaroon na ng dengue at ito ay para lamang sa matagalang pangontra sa dengue. Naging kontrobersyal ang paggamit nito noong 2016, matapos ang halos isang taon agad ipinatigil ng DOH dahil na rin sa mga reklamo na ang itinuturong culprit ay ang Dengvaxia.

Napakabilis ng iba sa ating mag-share ng mga tsismis sa buhay ng ibang tao. Napakabilis malaman ang mga puno at dulo ng mga isyu sa showbiz. Kung gaano kabilis sa mga bagay na walang katuturan, sana ganoon din upang magsaliksik sa mga usaping pangkalusugan, environment, at pangkabuhayan. Nararapat lamang. (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)

118

Related posts

Leave a Comment