Kapansin-pansin na talaga ngayon ang pagdami ng mga Mainland Chinese sa ating bansa. Kapag napadpad ka sa Parañaque, tiyak na makakasalamuha mo ang napakaraming mga Chinese.
Maging sa mga office buildings lalung-lalo na sa bandang Macapagal Avenue ay sangkaterba ang mga Chinese. Halos okupado rin ng mga Chinese ang mga condominium sa gawing ito ng Metro Manila at tila nasa bansang China ka na kapag nagagawi ka rito.
Sa totoo lang, wala naman sanang isyu rito at bagkus ay dapat nga tayong magpasalamat dahil dinarayo tayo ng mga dayuhan. Ibig sabihin kasi nito ay masigla ang turismo sa ating bansa.
Ang problema lang ay hindi naman mga turista itong mga mainlanders na ito kundi mga dayuhang nakikipag-agawan pa sa kakarampot na trabahong iniaalok sa ating mga kababayang hanggang ngayon ay tambay at walang hanapbuhay.
Maging ang ating mga ordinaryong laborer ay ninanakawan na rin ng trabaho nitong mga Chinese na ang palusot ay wala raw kakayahan ang mga Pinoy na gawin ang kanilang trabaho. Wehhh, di nga?
Obviously, kaya mga Chinese labor ang kinukuha sa ilang mga proyekto ay dahil Chinese ang mga contractor na may kanya-kanya nang mga dalang tauhan. Ang problema rito ay kung naaayon nga ba ito sa ating umiiral na batas sa paggawa dahil sa umiiral na Filipino-first policy na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Ang mas malaking katanungan dito ay kung paano nakakalusot ito at kung bakit itong Bureau of Immigration (BI) ay nag-iisyu ng mga working permit para sa mga Chinese na ito na hindi man lang isinaalang-alang ang kapakanan ng ating mga lokal na manggagawa.
Tila pinapamudmod na lang ang mga working permit para sa mga Chinese na parang mga buy-one-take-one na tinda sa Divisoria.
Kung ako ang tatanungin, kinakailangang kumilos na ang Senado upang busisiin ang anomalya. Maganda sigurong malaman kung ano ang dahilan ni Commissioner Morente kung bakit dinumog na tayo ng mga Chinese. Malalaman natin iyan pagkatapos ng May elections. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
83