IWASAN ANG BANGAYAN PARA SA ATING MGA KABABAYAN

0

MARAMING nagparating ng kanilang pagkadismaya sa PUNA sa nangyaring pambubulyaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ilang mga doktor na nag-viral sa social media.

Hindi nagustuhan ni Roque ang rekomendasyon ng mga doktor na magkaroon ng dalawang linggong hard lockdown para mapigilan ang patuloy na pagsirit ng COVID-19.

Bukod sa mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant ay pagod na rin daw ang health workers dahil halos wala na rin silang pahinga sa dami ng mga pasyente na pumapasok sa mga ospital.

Halos punuan na ang mga ospital sa Metro Manila at ilang mga lalawigan dahil dagsa ang mga pasyente na may COVID-19 kaya naisipan nilang irekomenda ang hard lockdown.

Ang tinutukoy po ng PUNA ang pambubulyaw ni Roque kay Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians, dahil sa rekomendasyon nila na dapat magkaroon ng hard lockdown.

Nangyari daw ang pangbubulyaw ni Roque kay Limpin sa meeting ng Inter-Agency Task Force (IATF) kamakailan. Sinasabi ni Roque na hindi na maaaring magkaroon ng hard lockdown dahil marami nang nagugutom sa mga pamilyang Pinoy.

Ang mahigpit na quarantine protocol o lockdown ang ipinatutupad ng gobyerno kaya marami sa mamamayan ang hindi na nakakapagtrabaho at nawalan ng kanilang hanapbuhay.

Bagama’t nakapagsalita ng hindi maganda si Roque sa mga doktor ay humingi naman siya ng tawad dahil tao lang daw siya na nagkakamali.

Pero, hindi kuntento ang ilan sa mga doktor kabilang na si Dr. Leni Jara, ng Shape Up to Defeat #COVID-19 co-convenor, kaya sinopla niya si Roque.

Narito ang sinabi ni Dr. Jara, “Tumigil ka. Sumusobra ka na. Binastos mo na ang mga nagtatrabaho at ang mga nagliligtas ng mga pasyente. Binastos mo! You should apologize to them”.

Sinabayan pa ng panawagan ng iba pang health workers na magbitiw na lang si Roque sa kanyang pwesto. Sabi nga nila, sila ang nakaharap sa mga ­pasyente kaya sila ang nakararamdam ng hirap at nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.

Sa katunayan marami na sa kanila ang nagbuwis ng buhay simula nang dumapo ang ­COVID-19 sa bansa, dalawang taon na ang nakalilipas. Kaya masakit sa health workers na nabubulyawan pa sila ng mga opisyal ng gobyerno.

Kung hindi magkakasundo ang health workers at ilang opisyal ng gobyerno, saan pupulutin ang mga Pinoy? Sa panahon ng ganitong pandemya ay hindi kailangang magpataasan ng ihi, dapat maging kalmado tayo para lahat ng ating mga desisyon ay maging maayos at tama.

Walang mabuting idudulot ang pagbabangayan, mas ma­ganda kung pag-usapan nang maayos ang mga patakaran at mas paborable sa nakararaming Pinoy ang dapat ipatupad.

‘Wag tayong mag-isip na mas mataas ang ating posisyon sa ­ating mga kausap, ang pinaka­mahalaga mas maraming utak, mas magandang patakaran ang nabubuo.

Buhay po ang nakataya sa ating mga kababayan, kaunting mali n’yo lang ay maraming buhay ang malalagas sa atin. Mas makabubuti na magkasundo kayo kaysa magbangayan, maaalpasan din natin ang krisis na ito.

Iwasan po natin na idaan sa init ng ulo ang pakikipag-usap sa ating kapwa. Ang pikon ay talo.

Suhestiyon ng PUNA sa mga opisyal ng gobyerno at sa mga ordinaryong mamamayan na bago tayo magsimula sa ating mga gawain sa araw-araw ay magdasal po tayo sa Panginoon na matapos na ang pandemyang ito.

Makatutulong din po ang pagdarasal sa pagpapakalma ng ating isipin.

oOo

Para sa suhestiyon at reak-syon, mag-email sa joel2amo-ngo@yahoo.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment