IYO ANG CAVITE, AKIN ANG CORDILLERA

BISTADOR Ni RUDY SIM

MAINIT na pinag-uusapan ngayon ng taumbayan ang matapang at bruskong banat ni suspended BuCor Director, General Gerald Bantag laban kina Department of Justice (DOJ) Secretary ­Boying Remulla at BuCor OIC Gregorio Catapang matapos itong lumabas sa isang TV interview at walang prenong nagpakawala ng mga pasabog laban sa ­dalawa.

Matatandaang isa si Bantag sa mga inakusahan at ­itinuro ng ilang persons deprived of liberty (PDLs) mula sa Bilibid na hawak ngayon ng pamahalaan, kaugnay sa patuloy na pag-usad ng imbestigasyon sa pagpaslang sa beteranong komentarista at ­kolumnistang si Percival Mabasa o mas kilala sa pangalang Percy Lapid, noong October 3 habang ito ay ­patungo sa kanyang live streaming program sa Las Piñas City.

Bukod sa hinamon na magbitiw si Remulla sa DOJ dahil sa kawalan umano ng kredibilidad upang pamunuan ang ahensya, direktang sinabihan pa ito ng ­”sinungaling” sa pagdawit sa kanya sa Lapid slay case at pag-utos umano na patayin ang ­middleman sa loob ng Bilibid na si Jun ­Villamor, kung saan ay lumabas sa ­resulta ng isinagawang re-autopsy ni forensic ­pathology, Dr. Raquel Fortun na ­sinadyang pinatay ito sa pamamagitan ng pagsuklob sa kanyang ulo ng plastic bag na siyang naging dahilan upang hindi ito makahinga.

Damang-dama ang ­matinding pagkainis ni Bantag na inilabas ang kanyang sama ng loob sa pagdiin sa kanya sa double murder case at maging sa isyung pagdawit umano sa krimen kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na aniya ay pilit din na idinadawit na isa sa mga mastermind.

Kasabay nito, isang nagngangalang Herman Agojo ang itinuro ni Bantag na sa tingin niya umano ay siyang nasa likod ng pagpaslang kay Lapid kahit wala pa itong ipinapakitang ebidensya.

Tauhan umano nito ang pinaslang na si Villamor at ang self-confessed gunman na si Joel Escorial. Sinabi pa ni Bantag na iniutos umano ni Remulla na alisin si Agojo sa witness protection program.

Pagsisiwalat pa ni ­Bantag, dalawa pang PDL na may kasong may kinalaman sa ilegal na droga umano ang ­pinapatulungan mapakawalan ni Remulla na aniya ay kasama sa mga itinuturong kasamahan ni dating Senador Leila De Lima sa kinakaharap nitong kaso.

Depensa naman ng DOJ, tumutugma umano ang ­naging pahayag ng mga PDL sa kanilang sworn statement sa mga nakalap nilang ebidensya gaya ng kuha ng CCTV sa loob ng BuCor admin building nang ipatawag ang mga gang leader kung paano isinagawa ang pagplano sa pagpatay kay Lapid.

Pinanindigan naman ng DOJ na nais lamang nilang lumabas ang katotohanan upang malutas at mabigyan ng hustisya ang pagpaslang kay Lapid. Ayaw naman patulan ni Catapang ang mga akusasyon ni Bantag at pinayuhan na lamang na harapin ang kanyang kaso sa korte.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang ­SAKSI Ngayon – Patnugot)

20

Related posts

Leave a Comment