PUNA ni JOEL O. AMONGO
LUMABAS sa 2nd Quad Committee Hearing ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kamakailan, na ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao Penal Colony (DAPECOL), ay para mawala ang drug trade competition sa loob ng bilangguan.
Sa pag-testify nina persons deprived of liberty (PDLs) Leopoldo Tan, Jr. at Fernando Magdadaro sa Quad Com Hearing, sinabi nilang inutusan sila ni SPO4 Arthur Narsolis na patayin ang tatlong Chinese drug lords.
Isinagawa ang pagpatay nina Magdadaro at Tan sa tatlo sa pamamagitan ng pagsaksak na isinagawa sa loob ng selda sa DAPECOL noong Hulyo 2016.
Batay sa kanilang salaysay sa Quad Committee, sinabi ni Tan na siya ang unang inalok ni SPO4 Narsolis at kumuha pa siya ng kasama na agad namang pumayag si Magdadaro.
Ayon kina Magdadaro at Tan, inalok sila ng tatlong milyong piso (P3M) at makalalaya rin sila sa pagkakakulong kung mapapatay nila ang target na tatlong Chinese nationals, dahil nasa panig nila ang gobyerno.
Sinabihan din sila na nais ng mataas na opisyal sa gobyerno na patayin nila ang kanilang target na tatlong Chinese nationals.
Kalaunan ay nalaman ni Tan na ang kautusan na patayin ang tatlong drug lords ay mula kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nang marinig niya mula kay Supt. Padilla sa isang tawag mula kay Duterte dahil naka-speaker phone ang cellphone nito, at nabosesan nito si Digong.
Narinig umano ni Tan na binati pa ni Duterte si Padilla na sinabing, “job well done” at nagkomento pa ito sa matindi na pagpatay nila sa kanilang tatlong target.
Matapos na maisagawa nila ang pagpatay sa tatlong drug lords ay dalawang milyong piso (tig-P1M) lamang ang ibinigay sa kani-kanilang mga asawa, sa halip na tig-P1.5M na may kabuuang P3M, batay sa kanilang napag-usapan.
Hindi rin umano tinupad na palalayain sila sa kani-kanilang pagkakakulong, sa halip ay nadagdagan pa bilang ng taon ng kanilang pagkakabilanggo dahil sa panibagong kasong pagpatay sa tatlong Chinese nationals.
Natalakay rin sa Quad Committee Hearing na bago pa man umupong pangulo si Duterte noong 2016 ay naging bukang bibig niya na tatapusin niya ang problema sa illegal drugs sa sandaling siya ay manungkulan.
Kamakailan, nagpahayag si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, nakaupo bilang Philippine National Police chief nang ipatupad ang war on drugs ng Duterte administration, na ang nasa likod ng pagkakabuo ng Quad Committee ay si Speaker Martin Romualdez para targetin siya at si Pangulong Duterte.
May hinala rin si Bato na ang isinasagawang Quad Committee Hearing ay posibleng gamitin sa International Criminal Court (ICC) na naghahabol sa kanila sa war on drugs ng Duterte administration na ikinamatay ng libo-libong Pilipino.
Nagpahayag naman si Cong. Dan Fernandez, isa sa mga miyembro ng QuadCom, na wala umanong utos sa kanila si Speaker Romualdez, sa halip ay sila lamang mga kongresista ang bumuo ng nasabing komite na nag-iimbestiga sa may kinalaman sa extra judicial killings, illegal drugs, human rights violations, POGO at iba pa.
34