JEEPNEY MODERNIZATION NARARAPAT BA?

Kaalaman Ni Mike Rosario

JEEPNEY modernization, saan ba talaga ito nagsimula? Sa ating KAALAMAN, tinatangkilik naman ng mga tao ang traditional na jeep at kahit ang mga turista na pumupunta dito sa ating bansa, ay alagang jeep natin ang una nilang tinitingnan, at sinasakyan pa ng ilang foreign celebrity.

Nilalagay pa nila ito sa kanilang Instagram profile, jeep na sa mahabang panahon ay minamahal ng ating mga kababayan.

Jeep na naging pundar o yaman na rin sa iba na nakakita at nakapagsimula ng ganitong klase ng hanapbuhay.

Kailangan nga ba talaga itong baguhin, kailangan nga ba talaga itong palitan?

Nagsimula ang mahigpit na pagtatalo hinggil dito dahil sa pasaway na mga driver sa lansangan, mga driver na hindi mo alam kung nanadya na, mga driver na kung makaasta ay parang sa kanila na ang daan.

Ikot sa kanan, ikot sa kaliwa at minsan, hihinto sa gitna kasi nga naman para ‘di sila malagpasan ng katulad na jeep na pumapasada na nasa likuran nila.

Ang ‘di nila alam ay maraming naapektuhang mga private na sasakyan, mga ilang personalidad at mamamayang na kailangan ding magmadali dahil may trabaho na pupuntahan.

Madami rin sa mga driver ng pampasaherong jeep ang kulang sa pakiramdam, ‘di ko po nilalahat, pero may kabastusan, ‘di ka pa nakakaupo nagmamadali nang umarangkada.

‘Di ka pa nakakababa, pinapaandar na, resulta maraming nadadawit sa disgrasya, mga jeep na kahit sa gitna ay humihinto, mga driver na walang pakialam sa napeperwisyo, resulta ay traffic at minsan may sagian pa.

Maraming nagsasabi na sana ipatupad ang batas trapiko, hulihin, tiketan, ang masakit dito, ang ilan sa mga enforcer ay tumatanggap ng lagay.

Ang ilan naman ‘pag tinuluyan mo ay nagpapaawa effect sa publiko, makikialam na ang human rights, makikialam ang netizens na kunwari ay nagmamalasakit.

Iyakan lang sila ng asawa ng driver sa social media, ilang mga vlogger na ang ‘sasakay’, ito ay para dumami ang views at ang resulta, ang enforcer na gumawa ng trabaho ay minumura at bina-bash sa social media, “you cannot please anybody ika nga” ang nangyayari, kaysa ma-bash ka pa, ‘yung iba nakikinabang na lang at nagbubulag-bulagan.

Dumating ang mga pulong sa mga ahensya ng gobyerno, problema sa driver ang usapan, gusto mo pasunurin kaso protektado sila ng mga organisasyon, protektado sila ng social media ng kung ano-anong humanity… kaya sa ating KAALAMAN, maganda rin na may iisang nagpapatakbo, may iisang sinusunod kaya nabuo ang kooperatiba ng mga jeep.

Madali na sa LTO at LTFRB ang trabaho ‘pag ganito dahil may ituturong legit na organisasyon sa bawat lugar na siyang hahabulin kapag may problema sa daan, mga aksidente, at magkakaroon ng pormal na usapan, kasi may cooperative na pwedeng ipatawag kung magkakaso man.

Kaya ang palaging tanong: ang jeepney modernization ba ang kailangan o driver modernization, kasi sa totoo lang kung titingnan natin ay nagsimula ito sa issue ng mga jeep na hindi nag-iilaw, mga jeep na humihinto at nagsasakay sa mga bawal na lugar, mga driver na walang disiplina.

Kaya para sa ating KAALAMAN, driver modernization ang kailangan natin, hindi jeepney modernization.

160

Related posts

Leave a Comment