JUDGE FELIX REYES, BAGONG BOARD DIRECTOR NG PCSO

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

BALIK sa gobyerno si ret. Judge Felix Reyes. Ito’y matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., bilang bagong miyembro ng Board of Directors ng Phil. Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Batay sa isang pahinang appointment letter, ­ipinagkakatiwala ni Pangulong Marcos ang nasabing posisyon kay Reyes. Dating presidente ng Phil. ­Judges Association (PJA) at naging hukom din ng Marikina Regional Trial Court si Reyes.

Sa pagkakaalam ko, ­nanumpa na rin si Reyes sa harap ni Executive Secretary Lucas Bersamin bilang bagong ­miyembro ng PCSO BOD.

Sinasabing itinalaga rin ni PBBM si retired General ­Procopio Lipana bilang general ­manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bukod nga raw kay Lipana, iniluklok din si Engr. Frisco San Juan, Jr., bilang deputy chairman ng MMDA na dati ring ­naglingkod sa ahensya sa kaparehong posisyon noong panahon ni ­dating Pangulong Rodrigo ­Duterte.

Kasama sila sa mga bagong talagang opisyal ng ­gobyerno na nanumpa sa harap ni Bersamin noong Biyernes, Nobyembre 18.

Aba’y kabilang din daw sa mga nanumpa sina PDEA ­Director General Moro Lazo, PDEA Deputy Director ­General Pierre Bucsit, at MMDA ­Chairman Romando Artes.

Si Judge Reyes nga pala ay noon pang nakaraang Lunes nanumpa bilang bagong kasapi ng PCSO Board.

Matagal ko nang kilala si Judge Reyes. Napakahusay ng mamang ito. Kilala siya sa buong hudikatura dahil naging pangulo nga siya ng PJA.

Tumatak siya sa publiko nang ipanawagan niya, kasama ang buong PJA, ang pagbibitiw noon sa puwesto ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Walang takot niyang hinimok si Sereno na mag-resign noong panahong iyon upang hindi malagay sa kahihiyan ang hudikatura. Si Reyes ay tumakbo bilang kinatawan ng isang party-list group noong nakaraang halalan pero hindi sila pinalad.

Sabi naman ng maraming kakilala, tila may ibang nakalaan para sa kanya at ito nga ang posisyon marahil sa PCSO na akmang-akma naman sa husay at galing ng mamang hukom.
Mabuhay kayo, Judge Felix Reyes, at more power po!

42

Related posts

Leave a Comment