JUETENG SA CAVITE HAMON KAY PNP CHIEF ACORDA

BALYADOR ni RONALD BULA

MUKHANG wala nang makapipigil sa pamamayagpag ng operasyon ng jueteng sa lalawigan ng Cavite kung totoo ang ipinagyayabang ng jueteng financier na si John Yap at katiwaldas nitong si Jun Albaran, na P3.2 milyon ang payola nila sa isang politiko sa probinsya.

Dapat alamin ni Cavite Governor Juanito Victor C. Remulla kung sino ang pulitiko na nagbigay ng basbas sa jueteng nina Yap at Alvaran sa kanyang lalawigan baka nabukulan siya.

Sinasabing ang unang dalawang linggo na kubransa ng jueteng sa Cavite, 10 porsiyento umano dito ay mapupunta sa mga cabo, 5 porsyento sa local management. Siyempre, kung meron ang politiko, natural lang na magkaroon din ang kapulisan dahil sa kasabihang ‘yong para kay “EDDIE”. Magkano naman kaya ang para kina CALABARZON Regional Director, P/BGen Carlito M Gaces at Cavite Provincial Director P/Col. Christopher F. Olazo?

Dagdag pa ng source, umaabot na sa P1.8 milyon ang kada araw na kubransa ng jueteng nina Yap at Alvaran nito lamang Abril 2023 sa bayan ng Gen. Trias, Naic, Silang, Rosario, Carmona, Cavite City, Indang, Alfonso, Tagaytay City, Amadeo, GMA, Ternate, Dasmariñas, Mendez, Tanza, Maragondon at Manggahan.

Para naman sa kaalaman ni Philippine National Police Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., ang ipinamumudmod na umano’y payola nina Yap at Alvaran para sa mga lokal na kapulisan: Naic, P15,000; Tanza, P25,000; GMA, P15,000; Imus, P20,000; Indang, P20,000; Kawit, P15,000; Magallanes, P15,000; Maragondon, P15,000; Mendez, P15,000; Alfonso, P20,000; Tagaytay, P20,000; Amadeo, P15,000; Ternate, P15,000; Bacoor, P20,000, Cavite City, P20,000; General Trias, P35,000; Carmona, P15,000; Dasmariñas, P15,000, at Silang, P25,000.

Kaya dapat lang na atasan ni PNP Chief Acorda ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa lalawigan ng Cavite para i-monitor ang kapulisan na hayagang lumalabag sa internal cleansing ng PNP at “no take” policy sa illegal gambling.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

283

Related posts

Leave a Comment