SA tuwing dadaing sa sukdulang kahirapan ang mga tao, karaniwang tugon ng gobyerno ay ayuda para sa mga pobreng Pilipino.
Ang totoo, walang masama kung tumulong ang gobyerno. Katunayan, mandato ng mga nasa pwesto ang pagsilbihan ang mga nasasakupang tao.
Pero parang may mali sa kultura ng baryang ayuda. Insulto para sa mga Pilipino na higit na kilala sa angking sikap at sipag sa kanilang pagtatrabaho.
Sadyang mahirap ang kinasasadlakan ng mga Pilipino sa kabi-kabilang dagdag-presyo – bigas, gatas, delata, gamot, gulay, karne, isda, manok, kuryente, tubig, petrolyo at iba pa.
Nagbabadya na rin ang pagpapataw ng dagdag-singil sa pamasahe.
Sa madaling salita, ang dati-rating pinagkakasyang minimum wage ng mga obrero sa kani-kanilang pamilya, lalong hindi na uubra. Ang masaklap, bingi ang gobyerno sa panawagang dagdag-sahod ng mga obrero.
Anila, may ayuda at subsidiya naman sa mga pamilyang apektado. Pero hanggang saan ba ang kayang bilhin ng P1.33 buwanang subsidiya sa bawat benepisyaryo? Ang sagot, hanggang kendi na lang muna sa tuwing kakalam sa gutom ang sikmura.
Tugon naman ng National Economic and Development Authority (NEDA), P200 kada buwan sa bawat pamilya lang ang pwedeng itulong ng pamahalaan dahil wala na rin anilang pinagkukunan. Mas nakalulungkot pa ang sumunod na kalatas na nagtatakda ng limitadong bilang ng pamilyang nasa talaan ng pamahalaan.
Maging ang Department of Finance (DOF), may sariling palusot – bawal gamiting subsidiya sa mga apektadong Pilipino ang ibang pondo ng gobyerno.
Sa isang banda, tama ang tinuran ng nasabing departamento. Hindi pwedeng gamitin ang anumang pondo ng pamahalaan sa mga bagay na labas sa pinaglalaanan. Pero hindi naman ayuda ang hiling ng mga tao sa gobyerno kundi kabuhayan.
Ang giit ng mga nagdurusang mamamayan ay kabuhayan, hindi limos.
Kung tutuusin, maraming paraan para matugunan ang panawagan ng dusang masa – sa halip na ayuda, pwede naman sigurong kabuhayan na lamang kung sadyang hindi kaya ng gobyernong pigilin pa ang pagsirit ng mga presyo.
Hindi rin akmang magmukhang kawawa ang mamamayan sa mata ng mga nanunungkulan sa pamahalaan. Hindi rin katanggap-tanggap ang baryang ayudang mas mababa pa sa limos ng pangkaraniwang tao sa mga pulubi sa lansangan.
122