KADUDA-DUDA ANG GINAWA NG OMBUDSMAN KAY ANTIPORDA

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

SA matagal na panahon ay hindi natin pinagdudahan ang integridad at dedikasyon ng Office of the Ombudsman (OMB) at maging ng Sandiganbayan para labanan at walisin ang lahat ng uri ng katiwalian sa pamahalaan.

Pinanatili natin ang paniniwalang ito sa kabila ng mga alingas­ngas na matagal na ring napasok ng mga anay ang mismong OMB na kung hindi mapipigilan ay maaaring sumira mismo sa pundasyon at kredibilidad ng ­gobyernong Marcos.

At tila nakumpirma ang mga haka-haka hinggil sa mga nangyayaring kabulastugan diyan sa OMB dahil sa ginawa nilang kaduda-dudang napakabilis na pagbababa ng six-month suspension order laban kay Administrator Benny Antiporda ng National Irrigation Administration.

Sa mga hindi nakababatid, ang kaso ay isinampa ­kamakailan lang ng ilang opisyal at ­empleyado at opisyal diyan sa NIA na naapektuhan ng mga repormang ipinatutupad ni Antiporda sa ahensya.

Alam naman natin kung gaano katalamak ang katiwalian diyan sa NIA kaya naman naging misyon na ni Antiporda na linisin ito, at siyempre ay hindi papayag ang mga grupo at sindikatong kumikilos doon.

Kaya naman talagang gagawa sila ng paraan upang mapigilan si Antiporda sa kanyang misyon.

Sa mga ordinaryong sitwasyon ay dapat mabigyang papuri ang OMB sa mabilis nilang pag-aksyon sa reklamong inihain laban kay Antiporda.

Pero sa pagkakataong ito ay naging kaduda-duda ang ginawa nila dahil saan ka ba naman nakakita ng kaso na may hatol na agad gayong ni hindi nakita kahit minsan ng akusado ang reklamo laban sa kanya?

At nakalulungkot malaman na habang napakabilis ng OMB na umaksyon laban sa kanyang suspensyon, pero hanggang ngayon ay wala pang narinig hinggil sa magkahiwalay na mga kasong graft and corruption na una nang isinampa ni Antiporda laban sa ilang matataas na opisyal ng NIA kaugnay ng P206 milyon at P200 milyon pera ng ahensya.

Mas higit pang naging kataka-taka ang mga pangyayari dahil alam naman ng publiko kung gaano karami ang mga inaamag nang kaso diyan sa OMB na ni hindi umuusad kahit lumipas na ang napakahabang panahon.

Iyong ibang mga kaso ng mga politiko diyan ay inaabot na ng dekada at kung ano-ano na ang naging puwesto sa pamahalaan pero ni hindi pa nagagalaw at naaaksyunan.

Dahil ba kaya sa tinatawag na parking fee iyan? Hindi naman sana.

Ang tanong ngayon, dahil ba sa hindi politiko si Antiporda kaya mabilis ang naging pagkilos ng OMB laban sa kanya?

O baka naman dahil sa express lane fee iyan? Ayoko namang maniwala na iyon nga ang dahilan.

Kaya naman suportado natin ang National Press Club (NPC) sa pagpahayag nila ng suporta kay Antiporda.

Alam kasi ng NPC na walang bahid ng katiwalian si Antiporda na isa ring respetadong dating pangulo ng nasabing Samahan.

Sa buong panahon ng panunungkulan niya sa NPC ay wala siyang ginawa kundi tumulong at isulong ang kapakanan ng mga mamamahayag.

Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang programa at proyekto kagaya ng pabahay at iba pa, at madalas ay mismong siya ang gumagastos mula sa sarili niyang bulsa.

Kaugnay nito, nanawagan na rin ang NPC sa iba pang mga mamamahayag at organisasyong media na suportahan si Antiporda sa mga pagkilos nito na linisin ang NIA na isang kritikal na ahensya ng gobyerno.

Suportado rin natin ang panawagan ng NPC sa Kongreso at kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na halukayin ang mga isyung nakapaloob sa usapin at upang maituwid na rin ang kamalian sa desisyong ginawa ng Ombudsman.

46

Related posts

Leave a Comment