KAHIRAPAN AT ANG KABABAIHANG FILIPINO

Psychtalk

Batay sa datos mula sa World Bank, bumaba sa 21.6% ang poverty incidence ng Pilipinas noong 2015 kumpara sa naitala noong 2012 na 25.2%. Matutuwa na sana sa impormasyong ito kung hindi natin nakita ang mas malawak na larawan ng mga bagay-bagay: Pilipinas ay pangalawa sa pinakamahirap na bansa sa Timog-Silangang Asya noong 2015. Inaantay pa rin natin ang pinakabagong datos tungkol sa kahirapan ngayong 2019.

Sinasabi na ang bahagyang pagbaba ng bahagdan ng insidente ng kahirapan ay dulot ng mga palyatibong ­programa ng pamahalaan gaya ng dole outs na conditional cash transfers na ngayo’y tinaguriang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Sa pagpapatupad ng programang ito, ay may hinihinging kondisyon sa mga benepisaryong pamilya na may kaugnayan sa kababaihan gaya ng kung buntis ang nanay ng pamilya ay kailangang sumailalim sa pre-natal at post-natal na serbisyo mula sa pamahalaan. Kinakailangan ding tumanggap siya ng karampatang tulong sa panganganak mula sa isang may tamang kasanayan na propesyonal; at nararapat din na ang babae ay makibahagi sa mga program para sa pagpapaunlad ng pamilya gaya ng mga sesyon sa pag-aaral tungkol sa karapatan ng mga kababaihan. Iniisip ng programa na sa pamamagitan ng pagkakamit ng mga target na ito, makakatulong ito sa pagkakamit ng inaasam na gender equality.

Malapit na ba tayo sa pagkapantay-pantay ng mga genders dahil sa programang ito? Bago sagutin ito, magandang masagot din siguro kung napahupa ng nararanasang kahirapan ng mga pinakamahihirap na komunidad, lalo na ng mga kababaihan at mga anak nila? Ang sagot dito ay isa pang tanong—sasapat bang matugunan ang paghihirap ng isang pamilya sa P1400 kada buwan?

Mga kababaihan din mismo ang maaaring makapagbigay ng kongkretong tugon sa huling tanong lalo na at sila madalas ang nagba-budget ng gastusin ng pamilya. Malamang napakadali nilang kuwentahin kung saan mapupunta ang nasabing halaga. Hindi na rin natin kailangang maging sophisticated na ekonomista para matiyak na hindi ito sapat para sa mga pinakabatayang pangangailangan.

Mas mainam siguro kung malawakang edukasyon at maraming hanapbuhay ang ipagkaloob sa mga mahihirap na kababaihan kung totoong nais natin silang iangat mula sa kahirapan. Pangmatagalang solusyon, hindi lamang palyatibong lunas gaya ng kakapiranggot na ayuda kada buwan ang kinakailangan para sa mas makatotohanang pagsusulong ng kabuhayan ng kababaihan at mga pamilya nila. Pag nagkatotoo ito, mas mapapadali ang daan tungo sa mas makatotohanang gender balance. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

182

Related posts

Leave a Comment