KAHIT ‘DI UMUUTANG SA BANGKO DAPAT MAY CROP INSURANCE

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

BILANG isang probinsyano, nakikita ko ang hirap ng mga magsasaka kapag panahon ng kalamidad lalo na kapag nasira ng bagyo ang kanilang pananim dahil nangangahulugan lang ito na lugi na naman sila at walang pag-asang maibalik ang kanilang puhunan.

Hindi naman kasi ­lahat ng mga magsasaka ay ­sariling lupa ang binubung­kal Karamihan sa kanila ay nakikitanim lang at ang kasunduan sa pagitan nila ng may-ari ng lupa ay magbigay siya ng tinatawag na tersya.

Ibig sabihin ang magsasaka ang mamumuhunan at ang may-ari ng lupa naghihintay lang ng anihan para makuha ang parte sa ani sa kanyang lupa.

Walang ibang mapupuntahan at kakapitan ang isang tenant kundi mangutang ng puhunan sa mga ­middleman basta pagdating ng anihan ay dun sa inutangan ibebenta ang kanyang ani na may tubo.

‘Yung iba naman, ­nangungutang sa 5-6. May ani man o wala, kailangang mag­bayad ng tubo bawat anihan…tatlong kaban ng palay o mais sa bawat 5 libong piso na inutang. Tubo pa lang ‘yan ha.

Hindi kasi biro ang puhunan sa isang ektaryang lupa…aabot ‘yan ng P35,000 hanggang P40,000 at ­posible pang lumaki ‘yan kapag tumaas ang presyo ng abono at binhi.

Pero kapag sinira ng bagyo ang pananim, hindi na maibabalik ang puhunan at lalong mababaon sa utang ang magsasaka dahil hindi naka-insure ang kanilang pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Bakit nagkakaganon? Dahil tanging ang mga magsasaka na umuutang ng puhunan sa mga bangko tulad ng Landbank, ang sakop ng PCIC para bayaran ang kanilang pananim na sinira ng kalamidad at hindi kasama ang maliliit na mga tenant.

Gustuhin man ng ­maliliit na mga tenant na umutang sa bangko, hindi sila makaka-­utang dahil una, hindi nila pag-aari ang lupang kanilang sinasaka dahil ang isa sa mga hinahanap sa kanila para makautang, ang titulo ng lupa.

Sana baguhin ng PCIC ang sistema at pag-aralan kung papaano isama sa crop insurance ang maliliit na mga magsasaka upang ­matulungan sila sa panahon ng kalamidad.

Tanging ang ­malalaking mga magsasaka ang napoproteksyunan sa sistema ng PCIC at naiiwan ang mga tenant na mas marami ­kumpara sa mga nakakautang ng puhunan sa bangko.

Kung baga sa negosyo, katumbas ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang mga tenant na mas marami kumpara sa malalaking mga korporasyon at mas maraming tao ang naeempleyo pero wala silang proteksyon.

Kaya saan pupunta ang mga tenant? Kakapit na lang sila sa 5-6 at mga mapagsamantalang middleman para makautang ng puhunan at manalangin na lang sila na huwag masira ng kalamidad ang kanilang pananim.

Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit maraming magsasaka ang hindi nakakaahon sa hirap dahil ang mga malalaki lang at kayang umutang sa bangko ang natutulungan ng PCIC. Sana mabago ang sistemang ‘yan.

77

Related posts

Leave a Comment