KAILANGAN NA BANG MAGDEKLARA NG HFMD OUTBREAK?

PINAG-IINGAT ang publiko laban sa Hand, Foot, and Mouth Di­sease (HFMD) ngayong patuloy na dumarami ang mga naitatalang kaso ng sakit.

Dahil dito, may pangangailangan na bang magdeklara ng outbreak ng HFMD?

Ayon kay Department of Health (DOH) Officer-In-Charge (OIC) Maria ­Rosario Vergeire, kung suportado ng scientific data, maaaring magdeklara ng outbreak ng HFMD ang local government

units (LGUs) anomang oras, at maaari ring magdeklara kung ang mga kaso ng sakit ay hindi na kayang ­pamahalaan ang pagkalat ng karamdaman.

Pahayag naman ni infectious diseases expert, Dr. Rontgene ­Solante, magdedeklara lamang ng outbreak kung ang sakit ay lumalaganap din sa mga rehiyon o lugar malapit sa rehiyon na kalat ang karamdaman, kung ang mga kaso ay dumoble mula sa nakaraang taong bilang, o kapag ang mga ospital ay napuno ng mga may sakit ng HFMD.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang HFMD ay isang pangkaraniwang infectious disease na kadalasang nakaaapekto sa mga bata. Ang karaniwang sintomas nito ay lagnat, masakit na sores o singaw sa bibig, at mga pantal at paltos sa kamay, paa at balakang.

Ang regular na paghuhugas ng kamay, panatilihin ang kalinisan, at turuan ang mga bata na iwasang hawakan ang kanilang bibig at mata ay makatutulong upang maiwasan ang impeksyon ng HFMD. Walang bakuna laban sa HFMD. Walang gamot para sa sintomas ng sakit maliban sa paracetamol para sa mga may lagnat.

Ngunit, giit ni Dr. Solante, ang mga nahawaan ay dapat kumunsulta para makaiwas sa komplikasyon ng sakit.

Kailangang magtulungan ang mga ahensya, lokal na pamahalaan, kasama ang mga barangay, upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko para maiwasan at makontrol ang pagkalat ng sakit.

May ilan na hindi binibigyan ng sapat na atensyon ang karamdaman dahil sa paniniwalang kusa itong nawawala.

Sa mga nalilito, magkaiba ang HFMD at foot and mouth disease (FMD). Ang HFMD ay isang nakahahawang sakit dulot ng enterovirus.

Mga hayop na may baak (biyak) ang kuko naman ang maaaring magkaroon ng FMD at hindi ito naililipat sa tao.

94

Related posts

Leave a Comment