Noong ika-28 ng Agosto, binawi ni Deputy Speaker LRay Villafuerte ang House Bill 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill (GAB).
Ang withdrawal ng GAB ay tunay na nakababahala para sa lahat ng Filipinong galit sa korapsyon. Ang GAB ay ang panukalang batas na nagdidikta kung saan at paano gagastusin ang taunang badyet ng bansa, na galing sa buwis ng mamamayan o ‘di kaya ay utang na mga Filipino pa rin ang magbabayad.
Sa kasalukuyang panukalang badyet na iprinisinta sa Kongreso na nagkakahalaga ng P4.1 trilyon, napansin na ng Bayan Muna ang samu’t saring anyo ng pork barrel. Binatikos natin ito sa mga naging pagdinig sa Kongreso, dahil ito ay pinanggagalingan ng malalaking pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang pangamba ng Bayan Muna at ng ibang kongresista ng Makabayan bloc, magpapasok pa ng ibang mga pork sa badyet kaya ito hinugot sa Kamara. Marahil maraming interes, lalo na ng top officials, ang hindi naisama sa unang panukalang budget.
Kailangan nating masusing pag-aralan ang mga bagong ipapasok, kung saan at kanino ito mapupunta. Sa mga ganitong pagkakataon nila ginagawa pang lalong tiwali at anti-demokratiko ang proseso ng paglalaan ng pondo ng bayan.
Kaya naman, ang panawagan ng Bayan Muna ay suspendihin ang deliberasyon ng panukalang badyet hangga’t walang tiyak na tatalakayin. Magiging walang kwenta ang ating pagsusuri sa badyet kung hindi pala ito ang ipatutupad.
Kailangan nating maging mapagbantay sa usaping ito, dahil dito tayo malakihang ninanakawan ng mga kawatan sa gobyerno. Gayundin, hinahamon namin si Pangulong Duterte na i-veto ang lahat ng pork barrel sa pambansang badyet. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
214