DPA ni BERNARD TAGUINOD
KAILANGANG maglagay ang taumbayan ng tunay na oposisyon sa Senado sa susunod na eleksyon dahil kung hindi ay magiging stamp pad na lamang ng nakaupong Pangulo ang mataas na kapulungang ito.
Sa Kamara naman, sana magkaroon ng bait sa sarili ang mga congressman na mahahalal sa labas ng coalition party ng kasalukuyang administrasyon at totohanin ang pagiging oposisyon at huwag sumama sa majority bloc para magampanan nila ang kanilang tungkulin.
Sa tumatakbong mga senador, tanging si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez pa lamang ang nakikita kong magiging tunay na Opposition Leader sa Senado kaya kailangan natin siyang tulungan kung nais nating malabanan ang katiwalian sa gobyerno.
Tama si AVR as in Atty. Vic Rodriguez, na ang pangunahing problema ng Pilipinas ay corruption kaya hindi tayo umaasenso at napag-iiwanan na tayo ng mga kapitbahay nating mga nasyon sa Asya.
Tanging si AVR pa lamang ang may plataporma na labanan ang katiwalian na siyang simula at dulo ng kahirapan ng bansa. ‘Yung ibang kandidato, paepal at pasikat at walang planong labanan ang katiwalian.
Alam n’yo ba na sa report ng Office of the Ombudsman, 20 porsyento sa budget ng gobyerno kada taon ay ninanakaw ng mga namumuno sa atin, mula sa itaas pababa pero mayroon bang naparurusahan?
Tumataginting na $13.5 billion ‘yan o katumbas ng halos P800 million ang ninanakaw sa budget kada taon kaya tama si AVR, dapat maglunsad ng war on corruption at parusahan ng kamatayan ang corrupt officials.
Pero mangyayari lang ‘yan kapag tinulungan natin si AVR sa kanyang krusada at misyon sa Senado para masimulan ang ‘war on corruption’. Nagkusa na siya dahil tulad ng lahat ng mga Pinoy na lugmok sa kahirapan, hindi na niya matanggap ang masamang nangyayari sa ating bansa dahil sa tiwaling mga lider ng bansa.
Matagal na tayong naghahanap ng mamumuno sa giyerang ito kaya ‘wag na nating sayangin ang pagkakataon. Sinimulan na ni AVR kaya kailangan natin siyang tulungan kung nais nating umasenso ang ating bansa at makawala na tayo sa tanikala ng kahirapan at corrupt officials.
Sa ngayon kasi, wala talagang tumatayong oposisyon sa ating bansa. Pasintabi sa mga miyembro ng Liberal Party, pero hindi ko ramdam ang pagiging opposition nila dahil ang kanilang konsentrasyon ay balikan ang nagpahirap sa kanila na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mukhang nakalimutan na rin ng LP ang kanilang krusada na mapanagot ang mga Marcos na inakusahan nilang nagnakaw sa sambayanang Pilipino at pang-abuso noong panahon ng batas militar.
Hindi mo rin ramdam ang pagiging opposition ng LP congressmen dahil kung hindi sila kabilang sa majority bloc sa Kamara, ay nagsosolo sila at ayaw sumama sa minority para ma-consolidate ang kanilang puwersa.
41