DASAL ng bawat isa ngayon na matapos na ang pandemya. Bayaning ituturing ng buong mundo ang bansa at kumpanya na unang makaka-develop ng mabisa at ligtas na bakuna laban sa COVID-19.
Matapos baguhin ng virus ang nakasanayan, kumitil ng libu-libong buhay at sirain ang maraming kabuhayan, tiyak na ilalagay sa pedestal at kikilalanin sa modern history ang makaka-imbento ng solusyon upang tuluyan nang mabura ang coronavirus sa mundo.
Pero madami ang nagulat at nag-alinlangan nitong linggo nang i-anunsyo ni Russian President Vladimir Putin na una sila sa mundo na makapag-develop ng bakuna, na tinawag na Sputnik V.
Aprubado na diumano ito ng health officials ng bansa nila, at maging ang isang anak ni Putin ay nabakunahan na nito, pruweba na epektibo raw ito laban sa coronavirus. Sa Oktubre plano na raw ng Russia na iroll-out ito sa publiko.
Samu’t sari ang reaksyon ng mga kilalang health experts sa iba’t-ibang panig ng mundo. Anila, masyado pang maaga para siguraduhin ng Russia na ligtas at epektibo nga ang Sputnik V.
Mahaba, kumplikado at magastos na proseso ang pag-develop ng bakuna na umaabot ng maraming buwan o taon. Ang pinakamabilis na nagawang bakuna sa kasaysayan ay para sa mumps o beke, na inabot ng apat na taon.
Ayon sa mga eksperto, kinakailangan pang dumaan sa lahat ng phases ng clinical trials bago isa-publiko ang isang bakuna. Kritikal umano ang phase three trial kung saan ira-randomize ang pagbibigay ng bakuna sa libu-libong mga testing participants na mula sa iba’t-ibang antas ng pamumuhay.
Iba umano ang pag-aaral nito kaysa sa testing na ginagawa sa mga 20 hanggang 80 lamang na malulusog na volunteers. Sa phase three malalaman kung epektibo nga ang bakuna at kung mayroon mang side effects.
Ang phase three trial ng Sputnik V umano ang pinag-uusapan nina Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at ng medical team mula Russia kung maaaring gawin sa Pilipinas.
Ayon naman mismo kay President Duterte, tinanggap na niya diumano ang alok ng Russia na suplayan ang Pilipinas ng nasabing bakuna, at isa pa siya sa mauunang tuturukan nito para mapatunayan na epektibo. Ayon kay Presidente, magiging available na ito sa Setyembre o Oktubre, matapos ang clinical trials.
Mabuti ang intensyon ng gobyerno na mabilisang sugpuin ang coronavirus sa bansa. Pataas ng pataas ang dami ng mga nagpo-positibo, nangunguna na nga ang Pilipinas sa Southeast Asia, at malaki ang ibinagsak ng ekonomiya, kaya kailangan talagang masolusyonan na ito sa lalong madaling panahon.
Pero ayon nga sa mga eskperto sa medical community, kailangan na transparent ang impormasyon at datos na makakalap ng mga Pilipino tungkol sa bakunang ito mula sa Russia. Non-negotiable dapat ito at maging mahigpit sana ang mga opisyal natin tungkol dito.
Kung matutuloy, dapat ay paghandaan din mabuti ang clincal trial na pinag-uusapang gagawin sa bansa. Handa ba tayo sa kalalabasan nito? Nawa’y bago umpisahan ito ay siguraduhin muna na protektado ang mga sasailalim sa testing, anuman ang mangyari.
Napaso na tayo sa dengvaxia dati, sana naman dito ay mas positibo ang magiging resulta para sa kapakanan natin at sa mga susunod pang henerasyon. Kaligtasan ng mga Pilipino sana ang unahin at intindihin bago ang lahat.
96